NAKABABAHALANG EPEKTO NG EL NIÑO

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

NOON pa mang nakaraang taon, nagsimula na ang pamahalaan at pribadong sektor ng mga paghahanda at mga hakbang para tugunan ang mga inaasahang epekto ng El Niño.

Ayon sa World Meteorological Organization, ang kasalukuyang nararanasan natin ang isa sa limang pinakamatinding El Niño. Bagama’t unti-unti na itong humihina, inaasahang patuloy itong makakaapekto sa pandaigdigang klima sa mga susunod na buwan. Nariyan na rin ang prediksyon na mas mainit pang temperatura mula Marso hanggang Mayo.

Dito sa Pilipinas, damang-dama na rin ang epekto nito. Nito lang nakaraang linggo, isinailalim ang 18 na local government units (LGUs) sa bansa sa ‘state of calamity’ dahil sa tindi ng tag-init.

Base sa listahan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), kabilang sa mga isinailalim sa state of calamity ay 11 bayan sa Occidental Mindoro; Bulalacao at Mansalay; Oriental Mindoro; San Vicente, Palawan; San Andres, Romblon; Mayoyao, Ifugao; Sinaloa, Antique at Zamboanga City.

Inaasahang darami pa ang mga LGU na kakailanganing magdeklara ng ‘state of calamity’ dahil sa patuloy na matinding epekto ng El Niño.

Maaaring magamit ang calamity fund para mabigyan ng tulong ang mga residenteng apektado ang kabuhayan ng panahon, base sa mga alituntunin ng NDRRMC.

Mahigit 54,000 na magsasaka at mga mangingisda o katumbas ng mahigit 105,000 na pamilya sa kasalukuyan ang apektado na ng heat index base sa pinakahuling datos ng ahensya.

Nakaapekto rin ito sa halos 54,000 na ektaryang lupain sa Region I, II, III, Cordillera Administrative Region, CALABARZON, MIMAROPA, V, VI, IX at XII. Umabot na sa P2.63 bilyon ang inisyal na pinsala ng El Niño phenomenon.

Bukod sa epekto sa kabuhayan, ibayong pag-iingat din ang kailangan para naman maprotektahan ang mga mamamayan.

Nitong nakaraang mga araw, nararanasan na sa Pilipinas ang mapanganib na heat index ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (PAGASA).

Umabot na sa tinatawag na ‘danger level’ ang heat index sa ilang lalawigan sa bansa, na nakababahala talaga kaya nasuspinde na ang klase sa ilang mga paaralan. Umabot sa 44°C ang init kaya ang matagal na exposure sa araw ng isang indibidwal ay maaaring magdulot ng heat cramps, heat exhaustion o heat stroke.

Nagbabala na rin ang PAGASA na ang sobrang mainit na panahon ay posibleng magdulot ng sobrang fatigue, matinding pagpapawis, panghihina ng katawan na may mabilis na tibok ng pulso, pagkahilo at pagsusuka kung hindi magiging maingat.

Sa ngayon, pinapayuhan ng ahensya ang publiko na iwasan ang paglabas ng bahay, uminom ng maraming tubig, iwasan na muna ang pag-inom ng soda, kape, tea at maging ng alak.

Makatutulong din magdala ng payong, sumbrero at iba pang proteksiyon sa matinding init ng panahon kung lalabas ng bahay.

Patuloy rin ang pag-arangkada ng mga kampanya na naglalayong hikayatin ang lahat na magkaisa para mairaos natin ang tag-init, kagaya na lang ng ginagawa ng sektor ng enerhiya.

Siniguro ng Department of Energy ang kahandaan ng sektor sa tag-init at bagama’t walang nakikitang problema sa suplay sa ngayon, patuloy pa rin ang mga ginagawang paghahanda para hindi na ito maging problema.

Kasama rin ang Meralco, ang pinakamalaking distribyutor ng kuryente sa bansa, sa aktibong pagsusulong ng mga programang nagtutulak para ma-manage ang demand at masiguro ang sapat na suplay ng kuryente sa bansa sa susunod na mga buwan.

Sa ngayon, ang tanging magagawa lamang ng lahat ay manatiling updated sa mga nangyayari at sundin ang mga payo ng mga kinauukulan para maitawid natin ang mga pagsubok na kinahaharap natin sa gitna ng nararanasang El Niño.

130

Related posts

Leave a Comment