NAKAGAGALIT

DPA ni Bernard Taguinod

KAHIT sino ang nakapanood na Pinoy sa pagbobomba ng dalawang Chinese Coast Guard (CCG) sa barko ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal ay magagalit maliban na lang doon sa mga kababayan natin na kabilang sa Chinese troll armies siguro.

Kung dati ay ang inaarkilang barko para magdala ng supply sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal ang binobomba ng CCG, ngayon ay ang PCG na mismo ang kanilang target at ginagawa nila ito habang nasa bansa ang dayuhang puwersa ng United States (US) at Pransya para sa Balikatan Exercises.

Kung ganito ang aksyon ng China gayung alam nila na may nagaganap military exercises at mayroon tayong military agreement sa US, paano na lamang kung wala tayong kaalyadong malakas din ang kanilang military? Baka matagal na tayong naging probinsya at puppet ng China.

Sana mapanood ng mga senador lalo na si Sen. Robinhood Padilla ang pag-atakeng ito ng CCG sa PCG at magbigay ng komento at tanungin niya ang sarili niya kung sino ang nagtatapang-tapangan sa West Philippine Sea, ang China ba o ang Pilipinas.

Sabi raw kasi ni Padilla, mukhang masyadong matapang daw ang approach ng gobyerno sa problema sa WPS pero itong ginagawa ng China sa atin, hindi ba paghahamon na talaga ‘yan at sila ang naghahanap ng gulo at matapang?

Gusto kong malaman kung ano ang inisyal na reaksyon ni Robinhood? Nagalit ba siya sa ginawa ng CCG o hindi? Nakaramdam din ba siya ng ngitngit tulad ng pagngingitngit ng mga Pilipino na nakapanood ng video?

Hindi ko sinasabi na pro-China si Robinhood ha, at tulad niya ayaw ko rin ng giyera dahil tiyak na wala tayong laban kung tayo-tayo lang ang lalaban at hindi natin kasama ang mga kaalyadong bansa tulad ng Amerika.

Hangga’t maaari hindi sana mauwi sa giyera ang pananakop ng China sa teritoryo ng Pilipinas sa WPS. Kaya nga noong panahon ni PNoy, imbes na komprontahin ng puwersa ang China ay idinaan niya sa legal na proseso ang pagresolba sa problema.

Dinala niya sa Permanent Court of Arbitration ang isyu ng pananakop ng China sa WPS at napanalunan natin ang kaso na isang indikasyon na ayaw natin ng giyera dahil alam naman ng lahat na wala tayong laban pagdating sa military power ng kalaban.

Pero sadyang walang paggalang ang China sa international law kaya ayaw nilang kilalanin ang napalunan nating kaso at tuloy-tuloy ang pananakop nila dahil nagkaroon sila ng kakampi sa Pilipinas.

Ngayon ay talagang puwersahan na ang ginagawa ng China na pananakop sa WPS kaya maging ang Pag-asa Island ay target na nilang masakop pero ang nakalulungkot, may mga lider tayo na imbes na makiisa para ipaglaban ang ating teritoryo ay kinakampihan pa nila ang China.

Malamang sa malamang, sisisihin nila ang gobyerno kapag tuluyang sumabog ang gulo kahit alam nila na mismong ang China na ang naghahanap ng gulo dahil sa kanilang mga inaasal sa WPS.

48

Related posts

Leave a Comment