PINAKAMABIGAT NA PARUSA VS CERES BUS COMPANY

PUNA ni JOEL O. AMONGO

KUNG may mas mabigat pang parusa na dapat ipataw ang gobyerno laban sa Ceres Bus Company, ay dapat ipatupad na nila ito.

Kabit kamo? Dalawang beses na palang may nangyaring aksidente sa lugar na pinangyarihan ng insidente na kinasangkutan ng naturang bus company noong nakaraang Martes, Disyembre 5.

Ibig sabihin, alam na pala ng mga driver ng Ceres Bus Company na accident prone ang naturang lugar, pero bakit hindi pa sila nag-iingat?

Hindi inaasahan na muling may mahuhulog na unit ng Ceres Bus Company sa malalim na bangin ng zigzag at bulubunduking kalsada ng Barangay Igbucagay, Hamtic, Antique.

Ang bus ay patungo umano sa Antique mula Iloilo City nang maganap ang aksidente na sinasabing mechanical failure ang dahilan.

Bagama’t hindi sinasadya ang aksidente, pero maaaring maiwasan sana ito kung maingat ang driver nito na dumaraan sa naturang kalsada dahil accident prone pala ito.

At hindi lingid sa kanilang kaalaman, dahil may nauna na palang aksidenteng naganap na kinasangkutan din ng Ceres Bus Company.

Walang kadala-dala, sir? Tanong ng tagasubaybay ng PUNA.

Ayon sa ating natanggap na ulat, sinuspinde na ng 90-araw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) noong nakaraang Miyerkoles ang operasyon ng Ceres Bus Company.

Ipinag-utos ni LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III ang suspension sa lahat ng bus units ng Ceres Bus Company na bumibiyahe sa lugar kasabay ng agarang imbestigasyon sa aksidente.

Narito ang pahayag ni Guadiz, “We already issued a 90-day preventive suspension to the entire fleet, meaning to say ‘yung mga bus na nagbabyahe ng rutang ‘yon, 15 sila, nag-issue na agad ng preventive suspension.”

Ayon pa sa kanya, “Ang roadworthiness ay done during the registration but it is incumbent upon the bus company na every time babyahe ‘yan, sisiguraduhin nila na maayos ‘yung mga bus nila. So that’s what I will be looking into, titingnan namin ‘yung ledger sa terminal kung ano ‘yung kondisyon bago ito umalis, at siyempre, titingnan din natin ang kalagayan ng driver.”

Nagsimula na ring magsagawa ng site inspection ang LTFRB at nakipag-ugnayan na sa insurance company para mabayaran ang mga biktima.

Kabilang sa mga nagsasagawa ng imbestigasyon ay ang inter-agency team mula sa LTFRB, LTO, at Department of Transportation (DOTr).

Unang nagresponde sa aksidente na ikinamatay ng 18 katao at ikinasugat ng iba pa, ang mga tauhan ng Antique Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).

oOo

Para sa sumbong, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cel# 0977-751-1840.

87

Related posts

Leave a Comment