NAKAKAALARMA ANG PAGKALAT NG TIGDAS

KAKAMPI MO ANG BAYAN TEDDY

Nakababahala ang balitang may outbreak ng tigdas sa ating bansa, na ikinamamatay na ng higit animnapu kabilang ang higit sa dalawampung bata ngayon lamang taon.

Ayon pa sa Department of Health Epidemiology Bureau, may 942 na naitalang kaso ng tigdas sa buong bansa. Sa NCR, mayroon nang 58 na namatay sa San Lazaro Hospital pa lamang.

Kailangan ay may kagyat na gawin ang ating pamahalaan upang hindi kumalat ang sakit na ito, na maaari namang mapigilan ng pagbabakuna. Minumungkahi ng mga grupong pangkalusugan na triplehin ang pagsisikap ng pagbabakuna kabilang ang tigdas.

Nagkaroon ng pangamba ang maraming magulang ukol sa pagbabakuna mula sa isyu ng Dengvaxia. Ngunit, kailangang malaman ng mamamayan na ang pagbabakuna mismo ay hindi masama, at napatunayan nang makapipigil sa ilang uri ng sakit. Ngayon ay nangangailangan na magkaroon ng malakihang information drive upang masawata ang takot ng mga magulang ukol sa pagbabakuna. Gayundin, kailangan na bigyan ng hustong pondo ang ating mga ospital, upang mapalakas ang kakayanan ng ating mga ospital upang harapin ang mga pagkalat ng sakit.

Napakalaki ng pagkukulang ng ating gobyerno sa larangan ng pangangalaga sa kalusugan ng mamamayan. Kulang na kulang ang pondo ng Department of Health upang tugunan ang dami ng may sakit. Malala pa, binabawasan pa ang budget nito ng kasalukuyan at nagdaang mga adminis­trasyon. Napakahaba ng pila sa labas ng mga pampublikong ospital, at kung sa pribado ka naman pupunta ay napakamahal ng pagpapagamot.

Kulang na nga sa gamit at gamot, binabarat pa ang sweldo ng mga public nurses at doktor. Ganito ang larawan ng kalaga­yang pangkalusugan sa ating bayan. Karapatan ng mamamayan ang kalusugan, ngunit ito ay pinagkakait sa atin. Nakaugat ang pagkalat ng tigdas sa sistematikong pagpapabaya ng ating pamahalaan na pangalagaan ang kalusugan ng mamamayan nito.  (KAKAMPI MO ANG BAYAN / TEDDY CASIÑO)

 

240

Related posts

Leave a Comment