Sa totoo lang hindi ako natutuwa rito sa mga pinaggagawa ngayon ni Mayor Isko Moreno sa Maynila. Wala pang isang buwan siyang nakauupo bilang mayor eh ang dami na niyang nagawang pagbabago para sa kanyang mga nasasakupan.
Maging ang mga dumi ng tao sa monumento ni Andres Bonifacio ay nalinis na niya. Nagawa na rin niyang maaliwalas ang Quiapo at Divisoria. Halos araw-araw ay nakikita natin si Isko na umiikot sa kanyang mga nasasakupan upang tingnan kung paano niya mapabubuti ang kaayusan sa kanyang lungsod.
Nakakainis na ‘yan! Sobra na ‘yan Mayor Isko! Sobra-sobra na ang nararamdaman kong inggit sa mga taga-Maynila.
Paano ba namang hindi ako maiinggit eh hanggang ngayon ay nganga pa rin kami rito sa Pasay. Napakarumi pa rin at nakaririmarim pa rin ang aming public market sa Libertad na kapag iyong pinuntahan ay halos nakasusuka na ang amoy!
Simpleng-simple na ‘yan ha. Isang maliit na palengke hindi pa magawang linisan ng mga namumuno sa Pasay.
Hanggang ngayon napaka-traffic pa rin ang Taft Avenue at kanto ng Gil Puyat dahi sa mga illegal terminal ng mga UV express at mga tabi-tabing mga bus terminal. Ganyan din ang sistema sa Libertad hanggang makarating ka sa EDSA.
Andiyan naman ang mga traffic enforcers na ang tanging mga hinuhuli ay ‘yung mga nasa pampribadong sasakyan. Halatang-halata na kapag nanghuhuli ay pera-pera lang ang labanan.
Ayaw ko na sanang magreklamo sa pagiging inutil ng mga namumuno ng Pasay dahil may mga kaibigan tayo sa city hall pero dahil sa mga ginagawa ngayon ni Isko sa Maynila, naisip ko na talaga yatang isinumpa na ang Pasay.
Kung ikukumpara sa Maynila ay napakaliit lang nitong Pasay. Napakaraming mga negosyo ang nasa Pasay City na pawang big taxpayers. Ngunit bakit kaya tuluyan na itong napag-iiwanan? Bakit kaya wala tayong nakikitang resulta ng tamang pamamahala?
Mukhang hindi na yata darating ang panahon na magkakaroon din kami ng gaya ni Isko Moreno. Dumaan ang mga Cuneta, mga Trinidad at ngayon ay mga Calixto pero wala pa ring nagbabago. Purdoy pa rin ang Pasay dahil sa napakatagal nang panahon ay puro mga bugok at pulpol ang mga nanunungkulan.
Kaya naman Isko, dahan-dahan lang para ‘di ka namin kainggitan! (Bagwis / GIL BUGAOISAN)
178