IPINAGDIRIWANG namin bawat taon ang pagsasara ng taon at pagsalubong sa bagong taon sa Pangasinan (lalawigan ng aking maybahay).
Syempre, napakasaya na magkita-kita, magsasamang muli at magdiwang ang angkan ng Toledo (apelyido ng maybahay ko noong dalaga pa siya) sa pagsasara ng 2019 at pagsalubong sa 2020.
Sa pagpunta ng pamilya ko sa Pangasinan, nasaksihan ko rin ang pagdiriwang ng Pasko ng mga mangingisda sa lungsod ng Dagupan.
Sa kauna-unahang pagkakataon, nagkaroon ng Christmas party ang mga mangingisdang kasapi ng Samahan ng Mangingisdang Pantal (SMP).
Matagal na ang mga maliliit na mangingisda sa Dagupan.
Ngunit, noong Hulyo 2018 lamang sila nakapagbuo ng samahang tinawag nilang SMP.
Ayon sa mga mangingisdang nakausap ko, nagkaroon at naisakatuparan lamang ang pagkakaroon ng organisasyon ang maliliit na mga mangingisda sa pantal ng Dagupan nang ‘dumating’ sa kanila si Ajerico “Ajie” Bersales.
Si Ajie ang namuno sa pagbubuo at pagtatatag ng SMP.
Kaya, nang magkaroon ng halalan noong Hulyo 2018, si Ajie ang kanilang inihalal na pangulo.
Si Mike Villamor naman ang nahalal na pangalawang pangulo.
Mula nang mabuo ang SMP, habang nangingisda ang mga kasapi ng SMP ay wala ring tigil ang pag-iisip at pagkilos ng pamunuan ng nasabing organisasyon, sa pangunguna ni Ajie, ng iba’t ibang diskarte upang matiyak na makapangingisda at makapapamuhay nang maayos at marangal ang mga mangingisda, sampu ng kani-kanilang pamilya.
Nangunguna si Ajie sa pagharap, pakikipag-usap, pagpapaliwag at pagkumbinsi sa mga opisyal ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan tulad ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Philippine Coast Guard (PCG) at iba pa upang ang mga kasapi ng SMP ay makapangisda nang maayos at walang abala sa kanilang paghahanap-buhay.
Nitong Disyembre, tiniyak ni Ajie na magkaroon naman ng Christmas party ang SMP.
Ang pagdiriwang ng Pasko ng SMP nitong Disyembre 30, kung saan naimbitihan ako ng aking bilas na si Ajie, ay sobrang saya.
Sabi ni Ajie, inimbitahan nila si Dagupan City Mayor Brian Lim, na pinaunlakan naman sila ng alkalde.
Hindi nakarating si Lim dahil mayroon siyang pinuntahan na ‘personal na napakahalaga’ sa kanya.
Hindi man nakarating, tiyak akong solido ang pagkilala at suporta ni Lim sa SMP.
Alam n’yo ba kung bakit?
Ang SMP ang unang organisasyon ng mga residente ng Dagupan na “accredited” ng pamahalaang lokal ng Dagupan ngayong si Brian Lim na muli ang alkalde ng lungsod.
Kaya naman nangyari ito ay dahil tunay na solido, malakas, matatag at napakaraming kasapi ang SMP.
Ayon mismo sa mga opisyal ng SMP, naganap ang lahat nang ito dahil kay Pangulong Ajie Bersales.
Nasisiyahan ako kapag nalalaman at nasasaksihan kong nagkakaisa ang mga batayang masa tulad ng mga mangingisda, sapagkat ang kanilang organisasyon ang kanilang sandata at boses laban sa balasubas at korap na mga opisyal ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.
oOo
Tumawag o magtext lang po kayo sa 09985650271 (BADILLA NGAYON / Nelson Badilla)
326