NAPALILIGIRAN NG DAGAT PERO KAPOS SA ISDA

EDITORIAL

PINAYAGAN ng Department of Agriculture ang pag-aangkat ng isda upang masiguro ang sapat na supply sa wet market bago dumating ang closed season fishing ban sa huling tatlong buwan ng 2024.

Pinirmahan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr. ang Memorandum Order 17, series of 2024 na siyang magpapahintulot sa pag-angkat ng 25,000 metriko toneladang niyeluhang isda.

Sa ilalim ng memorandum, 80 porsyento ng maximum importable volume na aabot sa 20,000 MT ang ibibigay sa commercial importers habang ang naiwang 20 percent o 5,000 MT ay ibibigay sa fishing associations at cooperatives.

Kinakailangang makarating ang mga isda bago ang ika-15 ng Enero 2025.

Idineklara ng BFAR ang fishing ban upang hayaang magparami ang mga isda mula Oktubre hanggang Enero.

Ang MO 17 ay inilabas kasunod ng nilagdaan ni Pangulong Marcos Jr. na Administrative Order 20 na nag-aalis sa non-tariff barriers sa imported agricultural products.

Kinontra ng grupo ng mga mangingisda ang DA Order 17, na umano’y magpapalala sa kalagayan ng mga lokal na mangingisda. Anila, ang pag-aangkat ng sangkaterbang isda ay malaking pinsala sa lokal na produksyon dahil hahatakin nito pababa ang farm gate price ng produkto ng maliliit na mamamalakaya.

Makikipagtulungan din ang PAMALAKAYA sa iba’t ibang organisasyon para isulong ang pagbabasura ng AO 20, bagay na tinagurian nilang mitsa ng pinsala ng lokal na agri-fisheries production.

Kung makapipinsala sa produksyon ng isda at magpapalala sa kalagayan ng mga mangingisda ang importasyon ay kailangang pag-aralan ito ng pamahalaan. Ang interes ng maliliit na kumukuha ng ikabubuhay sa isda at ibang anyo ng katubigan ay dapat isaalang-alang.

Kaya kumikilos ang maliliit dahil hindi nila maramdamang may sasagip sa kanila.

Mahirap at hindi mailarawan ang nararamdaman ng mga mangingisda, kasama na ang taumbayan sa nangyayaring pag-aangkat ng sangkaterbang isda gayung kapuluan ang bansa at naliligiran ng mga dagat.

34

Related posts

Leave a Comment