NAPAPANAHON NA BA DIVORCE SA PILIPINAS?

EDITORIAL

ISA ang pulso ng mamamayan sa isinaalang-alang na batayan sa pagtalakay sa mahalagang usapin tulad ng diborsyo.

Ang pananaw ng nakararami ay kinokonsidera kaya dapat laliman ang pag-aaral bago humantong ang mga may katungkulan sa desisyong ibinase sa saloobin ng publiko.

Mainit ngayon ang usapin sa diborsyo sa Pilipinas. Sa ibabaw ng bulto ng mga sari-saring palagay ay sumingaw ang survey ng Social Weather Stations (SWS) na 50% o kalahati ng mga Pilipino ang sumasang-ayon sa pagsasabatas ng diborsyo sa Pilipinas para sa mga mag-asawang naghiwalay na at hindi na magkasundo upang sila ay legal na makapag-asawa muli.

Nasa 31% ang tutol at 17% naman ang hindi makapagdesisyon.

Ayon sa SWS, ang net agreement score sa diborsyo ay napakalakas para sa mga may kinakasama, kumpara sa mga walang asawa, balo, hiwalay na at may mga asawa.

Ang suporta para sa legalisasyon ng diborsyo ay napakalakas sa Metro Manila, habang katamtamang malakas sa Balance Luzon at Visayas, at neutral sa Mindanao.

Katamtamang malakas naman ang suporta ng ibang Kristiyano (+21), Katoliko (+20), at Muslim (+11) sa panukalang gawing legal ang divorce sa bansa.

Isinagawa ang survey mula Marso 21–25, 2024, halos dalawang buwan bago aprubahan ng Mababang Kapulungan ang Absolute Divorce bill sa ikatlo at huling pagbasa noong Mayo 22, 2024.

Mahigit sampung beses nang nagsagawa ng survey ang SWS. Ang pinakabago ay may 5% na pagbaba mula sa survey noong Hunyo 2023. Pinakamataas na naitala ang 65% noong Marso 2023.

Nasa publiko pa rin ang pulso kung sang-ayon sila o hindi na ang mag-asawang separado na at mahirap nang magkasundo pa, ay pahintulutang magdiborsyo para ang mga ito ay makapag-asawa uli.

Pero nasa mga mambabatas at sa pangulo ng bansa ang magseselyo ng usaping pagsasabatas ng diborsyo.

Maudlot kaya muli ang diborsyo sa Pilipinas matapos ang ilang tangkang ito ay maging legal?

Sa buong mundo, sa Pilipinas lang at sa Vatican ipinagbabawal ang divorce.

47

Related posts

Leave a Comment