PICK-UP TRUCK SWAK SA BANGIN; PCG MEMBER PATAY, 5 PA SUGATAN

DEAD on the spot ang isang tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) habang tatlong opisyal, isang seaman at isang sibilyan ang sugatan nang mahulog ang sinasakyan nilang pick-up truck sa bangin sa Taytay, Palawan noong Linggo.

Sa ibinahaging report ni Coast Guard District Palawan (CGD-Pal) spokesperson Ens. Chrieson Dave Gabayan, sakay ng Toyota Hilux pick-up ang mga tauhan ng PCG patungong El Nido bandang alas-10:00 ng umaga.

Ayon sa ulat mula sa Palawan Police, ang pick-up truck na minamaneho ni Apprentice Seaman Alfredric Decon, 29, ay nag-overtake sa isang motorsiklo nang biglang pumutok ang isa sa mga gulong sa harap ng truck, dahilan upang mawalan ng kontrol ang driver kaya sumadsad ito bago bumulusok sa bangin.

Sinasabing tumilapon mula sa sasakyan si Seaman 2nd Class Lyric Orbon, residente ng bayan ng Narra sa Palawan, naging sanhi ng daglian nitong kamatayan.

Sugatan naman ang mga kasamahan nitong sina Ensign Jhairene Lim, Ens. Jerevy Miag-ao, at Ens. Friendly Mercado, nakatalaga sa Coast Guard Station El Nido at Coast Guard Station Coron.

Agad namang naitakbo sa Northern Palawan Provincial Hospital ng nagrespondeng rescue personnel mula sa Taytay Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, ang iba pang mga biktima, para sa agarang atensyong medikal. (JESSE KABEL RUIZ)

52

Related posts

Leave a Comment