NARARAPAT NA PROTEKSYON SA PINOY MANDARAGAT IBIGAY

PUNA ni JOEL O. AMONGO

KAMAKAILAN lamang ay isa na namang malagim na trahedya sa karagatan ng Red Sea at Gulf of Aden ang kumitil sa buhay ng dalawa nating mga kababayang marino dulot ng pag-atake ng mga rebeldeng Houthi.

Nagdulot din ito ng malubhang pinsala sa barkong nagngangalang M/V True Confidence na may bandilang Barbados at taga-Liberia ang may-ari nito. Isang uri ng bulk carrier ang sasakyang pandagat na ito.

Bukod pa sa dalawa nating nasawing mga kababayan ay mayroon pang dalawang malubhang nasaktan at kabilang sila sa hindi bababa sa 15 pang mga kababayan nating mga tripulante ng barko.

Nananawagan tayo sa pamahalaan ng karagdagang aksiyon at nararapat pang mga patakaran upang masiguro ang kaligtasan ng ating mga marino na naglalayag sa iba’t ibang panig ng mundo.

Mariing pagkondena at sama-samang paggalaw ng lahat ng mga bansa ang narararapat laban sa mga rebeldeng ito dulot ng walang humpay nilang pag-atake at pagdulot ng karahasan sa mga inosenteng sibilyan na walang kalaban-laban.

Bukod pa sa karahasan, ang kaguluhang ito sa rehiyon ay nagdudulot din ng pagkaantala sa pandaigdigang komersiyo bukod pa sa epekto nito sa tinatawag na ‘freedom of navigation’ o kalayaan sa paglalayag.

Nagpapasalamat din tayo kay PBBM sa kanyang naging kautusan sa Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Department of Foreign Affairs (DFA), sa ating mga embahada at iba pang mga ahensya ng pamahalaan upang makapagbigay ng tulong sa ating mga apektadong marino kasama na ang kanilang mga pamilya.

Noong nakaraang linggo lamang ay sumulat tayo ng isang pananaw tungkol sa panukalang Magna Carta for Filipino Seafarers. Sa ganang akin ay napapanahon nang maisa-batas ito at upang tuluyan nang makapagbigay ng proteksiyon at kaukulang hakbang ang ating pamahalaan para sa ating mga marino.

Sa pagbabalangkas ng magna carta ay maaaring tukuyin dito ng ating mga mambabatas ang napakalaking tungkulin ng manning agents na responsable sa pagre-recruit at pagpapadala ng mga Pilipinong marino sa mga barkong naglalayag sa labas ng bansa.

Isang hakbang na naaangkop, bilang halimbawa, ay ang isaad sa tinatawag na Manning Agreement sa pagitan ng manning agent at ng kanilang principal, ang paglalahad ng paunang impormasyon kung sakaling ang barko ay posibleng maglalayag sa tinatawag na warzone area.

Sa puntong ito ay dapat na mag-abiso ang manning agent sa pamahalaan para sa naaayon na desisyon kung papayagan ang mga Pilipinong tripulante na sumama sa biyahe. At kung sakaling lubhang mapanganib na kinakailangang bumaba ang mga tripulante ay dito dapat pairalin ang naaangkop na probisyon ng magna carta.

Muli, dapat ay naiwasan sana ang nangyari sa mga kapatid natin sa barkong M/V True Confidence at sana ay huli na ito. Kawawa naman ang ating mga kapatid na marino na walang ibang layon kundi ang mabigyan ng magandang buhay ang kanilang pamilya at makatulong sila upang maitawid ang pandaigdigang komersiyo.

oOo

Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

27

Related posts

Leave a Comment