SIPAG AT DISKARTE

AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS

SA araw-araw na buhay ng tao ay kinakailangan natin ng sipag at diskarte para sa ating sarili at pamilya.

Nakapagtapos man tayo ng pag-aaral o hindi ay walang ibang gagawa para sa ating kinabukasan kundi tayo rin mismo.

Nakapag-aral nga tayo at nakapagtapos ng isa o dalawang kurso kung wala naman tayong diskarte ay balewala rin ang ating tinapos.

Maraming mayayaman ngayon, Pilipino o ibang lahi man na bagama’t hindi nakapagtapos ng kanilang pag-aaral ay naging matagumpay naman sila bilang mga negosyante.

Ika nga, iba ang may diskarte at sipag na dapat gamitin para maabot natin ang ating minimithing tagumpay.

Kung baga sa iba ay walong (8) oras sila nagtatrabaho sa loob ng (1) isang araw, ang mga nagtatagumpay o yumayaman ay doble o labing anim (16) o higit pang oras ang kanilang ginagawang trabaho sa loob ng (1) isang araw para umunlad sila.

Hindi rin sila nakukuntento sa kanilang kinikita, kaya nag-iisip pa sila ng ibang pang pwedeng pagkukunan ng income.

Ang gabi sa kanila ay ginagawa nilang araw, kung baga kahit na gabi ay dumidiskarte pa rin sila kung paano sila kikita sa ibang paraan bukod sa kanilang kasalukuyang negosyo.

Kung sino pa ang mga masisipag at madidiskarteng tao ay sila pa ang sinasabing mga kuripot o nanghihinayang gumastos.

Bakit kamo? Pinaghirapan kasi nila bago sila nagkapera kaya pinahahalagahan nila kahit isang sentimo lang ang kanilang hawak.

Sina Henry Sy na kilalang nagmamay-ari ng SM; Manny Villar na nagmamamay-ari ng maraming pabahay sa bansa, Ramon Ang ng San Miguel Corporation at iba pang mga bilyonaryong Pinoy, ay naging puhunan nila ang sipag at diskarte.

Bagama’t mga mayayaman na sila pero makikitaan natin sila ng simpleng pamumuhay.

Wala tayong maririnig na nakikita sila sa mga lugar kung saan matatagpuan ang mga bisyo tulad ng sugal, mga gimikan at iba pang pagkakagastusan.

Sila ay may diskarte na sinamahan pa ng sipag, kaya walang silang ibang mapupuntahan kundi ang yumaman at makamtan ang kanilang nais na pag-asenso.

Kahit na sa trabaho kung wala tayong sipag at diskarte ay hindi matutuwa ang ating mga pinaglilingkuran.

Habang nabubuhay tayo ay kailangan natin ng sipag at diskarte para sa ating mga mahal sa buhay.

oOo

Samantala, salamat pala sa paanyaya ng FCJ Chicken House na matatagpuan sa Faustino Street, Barangay Punturin, Valenzuela City,

na ang layunin ay makakain ang maraming manggagawa sa murang halaga na bukod sa masarap ay makakamura sa halagang 79 pesos lamang, may 2 pcs. chicken ka na, unli rice at unli sauce pa… Kudos sa FCJ Chicken House at sana ay lumaki pa nang husto at pagpalain ng Ama para sa mabuting adhikain sa kapwa.

Bago ko makalimutan, Happy 8th Birthday pala sa aking pinakamamahal na unico hijo na si Fleford na nagdaos ng kanyang kaarawan kahapon (March 18), ipinagmamalaki ka ng iyong Papa.

40

Related posts

Leave a Comment