NARCO-POLITICS

SIDEBAR

Nagmula ang katagang “narco-politics” sa bansang Colombia kung saan ginagamit ang pera mula sa pagbebenta ng cocaine para suportahan ang kampanya ng mga politiko na sa tingin ng drug cartel ay makakatulong sa operasyon ng kanilang ilegal na droga.

Dumating sa sukdulan ang narco-politics sa Colombia nang mismong ang pinakamalaking drug lord at pinuno ng Medellin drug cartel na si Pablo Escobar ay nanalong kongresista at nangarap pang tumakbo sa pagkapangulo ng kanyang bansa.

Hindi naman lihim na rito sa Pilipinas ay may mga politiko rin na pasok sa ilegal na droga at ang kinikita nila ritong malaking halaga ng pera ay kanilang gina­gamit para patuloy na manalo sa eleksyon at mapanatili ang kanilang mga sarili sa poder.

Ito ang dahilan kung bakit sa mga narco-list na inilabas ni Pangulong Duterte ay may mga lokal na opisyal na kabilang dito at ang ilan nga sa mga ito ay pinatay ng mga hinihinalang “death squad” na ginagamit sa umiiral na “drug war.”

Kinumpirma ng Philippine Drug Enforcement Agency na posibleng muling gamitin ng mga narco-politicians ang kanilang drug money para sa kanilang kampanya, kabilang na ang malawakang vote-buying sa kanilang mga nasasakupan.

“Walang politiko na bibili ng boto nang galing sa anumang tamang means. Usually talaga nanggagaling iyan sa korapsyon o sa ilegal na droga. That’s the reason why puwede nilang itapon ang pera na iyan pambili ng boto,” paliwanag ni PDEA Director General Aaron Aquino sa isang panayam ng DZMM.

Bagama’t wala pang inilalabas na panibagong narco-list sa hanay ng mga politiko, naglabas dati ang PDEA ng pangalan ng 200 opisyal ng mga barangay na may direktang koneksyon sa ilegal na droga noong nakaraang barangay elections.

Ang inaasahang maglalabas ng listahan ng narco-politicians ay ang Department of Interior and Local Government (DILG) at ang layunin nito ay para hindi iboto ng mamamayan ang mga kumpirmadong pasok sa ilegal na droga. (Sidebar / RAYMOND BURGOS)

7

Related posts

Leave a Comment