NASAAN NA ‘YUNG PARTY-LIST CONGRESSMEN?

DPA ni BERNARD TAGUINOD

KAPAG panahon ng eleksyon, iniikot ng party-list organizations ang buong bansa para mangampanya at tulad ng traditional politicians, nangangako ang mga ito ng trabaho, tulong at kung ano-ano pa sa mga tao kapag sila ay nanalo.

Pero kapag nakaupo na sila, nagkakalimutan na dahil mabibilang mo lang sa kanila ang mga tumutulong kapag panahon ng kalamidad at ang masaklap pa, doon lang sa lugar kung saan sila nakakuha ng maraming boto ang konsentrasyon ng tulong ng iilan lang sa kanila pero sa buong bansa naman sila nakakuha ng boto.

Ngayong 19th Congress, 56 party-list organizations ang nanalo pero 54 lang ang nakaupo dahil ‘yung dalawa ay may problemang legal pa kaya wala silang kinatawan sa Kamara at sa 54 na ito ay 62 ang party-list congressmen na nakaupo dahil meron dyan ang nanalo ng tatlo at dalawang upuan.

Sa bilang na ito, mabibilang mo lang sa daliri kung ilan sa kanila ang tumutulong sa mga biktima ng kalamidad gayung buong bansa ang iniikutan nila para bumili, este manligaw ng boto. Kahit papaano, meron at meron silang nakukuhang boto sa buong bansa.

Sinusubaybayan ko kung sinong party-list congressmen ang tumutulong sa mga biktima ng bagyong Egay sa Northern at Central Luzon pero dalawa o tatlo lang ang nakikita ko gayung 54 ang organisasyon na nakaupo ngayon sa Kamara.

Nasaan ang karamihan? Kunwari wala silang nakikita at dedma sila sa mga biktima ng kalamidad? Nasaan ang pondo n’yo? Inilalaan lang ba ‘yan sa panahon ng eleksyon para hindi kayo makalimutan ng mga tao?

Para sa kaalaman ng lahat, walang ipinagkaiba ang party-list congressmen sa district congressmen. Walang tinatawag na second class congressmen sa Kongreso kaya kung anong merong biyaya si district congressman ay meron din si party-list congressman.

Sa katunayan nga, may party-list congressmen ang may mas malaki ang pondo kumpara sa district congressmen lalo na ‘yung tamad na district congressman at kapag malapit sila sa kusina. Bukod ‘yan sa regular na biyayang nakukuha ng lahat ng congressmen ha.

Maiingay lang ang mga ito sa ibang isyu pero tameme sila kapag ang pinag-uusapan ay sektor na kanilang kinakatawan kuno sa Kongreso at ang masaklap, wala silang naitutulong sa mga biktima ng bagyo. Kahit isang noodles, hindi nila maitapon sa mga bumoto sa kanila.

Wala silang ipinagkaiba sa mga senador na saka lang naaalala ang mga tao kapag eleksyon at saka lang umiikot sa buong bansa kapag panahon ng kampanya, hindi sila maasahan sa panahon ng kagipitan, pagdurusa at kagutuman.

Pareho kasing ‘national in scope’ ang party-list at senatorial election. Sabi ko nga, mas madalas pa kaming dalawin ng bagyo sa Cagayan kaysa mga senador at party-list congressmen. Kada taon, hindi bababa sa 20 ang bagyong dumadalaw sa atin pero itong party-list congressmen, makikita mo lang sila pagkalipas ng 3 taon, habang 6 na taon naman sa mga senador.

Baka sabihin nila, mambabatas lang kasi sila. Paggawa lang ng batas ang trabaho nila at hindi magbigay ng tulong.

Pero teka, kapag panahon ng kampanya ay nangangako kayo ng tulong, trabaho at kung ano-ano pa kaya kayo rin ang nagdagdag ng trabaho n’yo hindi ang mga bumoto sa inyo!

191

Related posts

Leave a Comment