NATIONAL GOVERNMENT DAPAT MAHIYA SA LGUs

ANG desisyon ng mga maya­yamang Local Government Units (LGUs) na sila na lamang ang bibili ng kanilang sariling covid-19 vaccines ay parang isang malakas na sampal sa national government.

Naunawaan ko naman ang aksyon ng LGUs lalo na sa Metro Manila dahil kung aasahan nga naman ang national government eh baka sa susunod na taon pa magpapa-mass vaccination para magamit sa pangangampanya.

Kailangan na kailangang makabangon na ang ating bansa sa pandemyang ito sa lalong madaling panahon at kung magteteka-teka ang national government ay wala talagang mangyayayari kaya kanya-kanyang bili na lamang ang mga mayayamang LGUs ng kanilang bakuna.

Napakabagal kumilos ng national government sa pagbili ng mga bakuna, Wala pang inaaprubahang bakuna ang Food and Drug Administration (FDA) na nasa ilalim ni Health Secretary Francisco Duque.

Parang may inaantay na kung anong application ng ­covid-19 vaccines manufacturer. Ang tanong nga ng mga tao, inaantay ba nila na mag-apply ang Sinovac na gawang China bago magkaroon ng ­approval at sila ang unang aaprubahan?

Kasing bagal ang kilos nila noong magkaroon ng unang kaso ng covid-19 sa Pilipinas noong Enero nang isang Chinese national mula sa Wuhan, China kung saan nagsimula ang pandemya at inantay pang dumami ang kaso bago nag-lockdown kaya nagdusa ang sambayanang Filipino.

Dapat mahiya ang national government sa LGUs dahil parang sinasabi ng local officials na “kung kayo ang aasahan namin walang mangyayari” kaya naglaan na lamang sila ng sariling pondo para bumili ng sariling bakuna para sa kanilang constituents.

Saka P2.5 Billion lang ang talagang pondo ng national ­government na pambili ng bakuna. Yung karagdagang P70 Billion na nakalagay sa 2021 national budget ay lump sum lang.

Ibig sabihin, magkakaroon lang ng pondo kapag may sobra sa pondo ng gobyerno o kaya uutangin ito sa mga mayayamang bansa at mga international at lokal na institusyon.

Indikasyon din na ang pagkusa ng LGUs na bumili ng sariling bakuna na ayaw nila ang bakunang gawa ng China kaya ibang brand na lamang ang bibilhin nila na mas mataas ang efficacy.

Bakit ka nga naman bibili ng bakuna na 50% lang ang efficacy samantalang mayroon namang 95% na epektibo at mas mura pa? Kahit ang mga ordinaryong mamimili eh dun na sa mura na apektib pa.

Pero ang ikinakabahala ko mukhang magkakaroon na naman ng burukrasya sa pagbili ng LGUs ng mga sariling bakuna dahil sa sinasabing tripartriate agreement.

Kasunduan sa pagitan ng manufacturer, LGU at national ­government bago makabili ng bakuna. Ano ito, pagpapabagal ng proseso?

Paano kung hindi ­aprubado ng national government ang bakunang gustong bilhin ng mga local executives, pahihirapan?

Talagang magagalit na ang mga tao kapag dinelay-delay pa ang pagbabakuna dahil ito na lamang ang pag-asa para ­makabangon tayo.

Sana hindi ito magamit ng ilang pulitiko para sa pansarili nilang interes.

148

Related posts

Leave a Comment