HINDI kumbinsido ang Makati City Police sa sinasabi ng batikang mang-aawit na si Claire dela Fuente na hindi raw maaaring pumatol sa babae ang kanyang anak na si Gregorio de Guzman dahil ito ay isang bakla.
Si De Guzman ay isa sa labing isang kinasuhan ng ‘rape with homicide’ matapos matagpuang wala ng buhay ang 23-anyos na flight attendant na si Christine Dacera sa Room 2209 ng Garden Grand Hotel, Makati City.
Ayon kay Police Colonel Harold Depositar, hepe ng Makati City PNP, kahit pa sabihin ni Dela Fuente na bakla ang kanyang anak ay lalaki pa rin ito, lalo na kung lango ito sa alak at nasa impluwensiya ng droga.
Ibig lang sabihin ni Col. Depositar na may kakayahan pa rin ang kaniyang anak na si De Guzman na manggahasa ng isang babae.
Iginigiit kasi ng batikang singer na malinis daw ang kunsensiya ng kanyang anak at hindi raw ito sangkot sa pagkamatay o panggagahasa sa biktimang si Dacera.
Maging ang suspek na anak ni Dela Fuente ay nagsasabi na hindi siya papatol sa babae kahit kelan dahil isa nga raw siyang bakla.
Iginiggiit din niya na nung gabi bago magpalit ng taon ay dun lang din niya nakilala si Dacera.
May iba pa raw nagpa-party sa pagkakataong iyon na mga bakla ring kagaya nila na may mga edad na at nasa kalapit kuwarto lang nila.
Sinabi pa niya na karamihan sa kanilang mga kasama ay pawang mga bakla.
Hindi rin daw sila gumamit ng ipinagbabawal na gamot sa halip ay alak lamang at wala ring naganap na panggagahasa kay Christine dahil mahal nila ito.
Sinasabi pa niya na siya pa mismo ang nag-CPR sa biktima nang makita niya itong nakahandusay sa bathtub ng kwarto ng hotel at sinubukan niya itong mailigtas pa.
Idineklarang dead on arrival sa pinakamalapit na pagamutan ang biktima.
Base sa police report sa bathtub natagpuan patay ang biktima na may indikasyon daw na ni-rape ito.
Tadtad ng pasa sa ibat-ibang parte ng katawan si Christine pero ang dahilan daw ng ikinamatay nito ay ang pagputok ng ugat sa kaniyang utak dahil na rin siguro sa sobrang dami ng nainom na alak.
May suhestiyon ang mga taga-subaybay ng PUNA sa mga awtoridad na nag-iimbestiga sa kaso Dacera na silipin din daw ang anggulong love triangle.
Kung sinasabing mga bakla ang kasama ng biktima ng gabi na yun maaaring selos daw ang dahilan ng pagpatay sa kanya.
Pero kung may indikasyon ng panggagahasa na nakita sa bangkay ng biktima at mga bakla ang kanyang mga kasama ng gabi na iyon, may punto rin ang sinabi ni Col. Depositar na hindi porke’t bakla ang isang tao ay wala na itong gusto sa babae at hindi na maaaring maging suspek sa panggagahasa.
Ganunpaman, tutal sinabi naman ni De Guzman na anytime ay pwede raw siya makipagtulungan sa mga awtoridad para sa imbestigasyon ng kaso. Tutulong daw siya na mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng biktima.
Kawawa naman ang pamilyang naiwan ni Dacera lalo na ang kanyang ina na hindi matanggap ang pagkamatay ng kanyang anak.
Naka-usap pa raw niya ang kanyang anak na si Christine bago ito namatay ng gabing yun.
Nagpaalam nga raw ito na pupunta siya sa kanyang mga kaibigan sa hotel na nabanggit.
Hindi akalain ng ginang na yun na pala ang huli nilang pag-uusap ng kanyang anak.
Napakasakit ang mawalan ng anak, lalo na yan na hindi ordinaryo ang pagkamatay at biglaan pa.
Hindi niya inasahan na paggising niya (Sharon) kinabukasan mula sa pagsasaya sa pagsalubong sa Bagong Taon ay patay na pala ang kanyang anak.
Dapat mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Dacera at mapatawan ng pinakamabigat na parusa ang may kagagawan ng krimen.
Nakikiramay po ang PUNA sa pamilya Dacera at hindi rin po tayo titigil sa ating pag-PUNA hanggat hindi nabibigyan ng hustisya ang kaniyang pagkamatay.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyong mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com o mag-text sa 0919-259-59-07.
