PURO PLANO LANG ANG GOBYERNO SA EL NIÑO

DPA ni BERNARD TAGUINOD

ANG daming plano ng gobyerno, hindi lamang ang kasalukuyang administrasyon kundi maging ang mga nakaraang pamahalaan, kung papaano paghandaan ang El Niño phenomenon pero wala pang naisasakatuparan.

Nandyan ang mga panukalang batas na magtatayo ng mga imbakan ng tubig sa bawat bayan sa buong bansa upang pagdating ng tag-init ay may magagamit ang mga magsasaka sa kanilang sakahan.

Sa ilalim ng plano, iipunin ang tubig ulan sa isang pasilidad na itatayo sa bawat bayan dahil sagana sa ulan ang Pilipinas pero nasasayang, para pagdating ng tag-init ay may magagamit na tubig sa mga sakahan.

Plano ni Junior, 6,000 rainwater collection system ang itatayo sa buong bansa na siyang itinatakda ng Republic Act (RA) 6716. Mantakin n’yo 1989 pa ginawa ang batas pero hindi naipatutupad?

Maganda ang plano kung tutuusin pero hanggang plano pa lamang. Kahit isang poste ay wala pang naitatayo kaya asahan niyo pagdating ng tag-ulan ay muling bubuhayin ang isyung ito dahil tiyak na babaha na naman, hindi lang sa Metro Manila kundi maging sa iba’t ibang panig ng bansa.

May panukala rin na ang bawat komunidad, subdivision at maging ang bawat bahay ay oobligahin na ipunin ang tubig ulan na palagay ko ay suntok sa buwan dahil ‘yung ngang building code ay hindi maipatutupad eh, ‘yan pa kaya?

Ang daming mga bahay ang naitatayo nang walang building permit na nakalulusot sa local government o hinahayaan ng local building officials lalo na kung ang itatayong istruktura ay nasa lupa na pag-aari ng gobyerno o kaya ay pribadong tao na ilegal na inokupahan ,kaya paano oobligahin ang mga tao na ipunin ang tubig ulan?

Dahil sa climate change, may mga babala ang mga eksperto na mas lalala pa ang matinding init na mararanasan sa buong mundo kasama na dito ang Pilipinas, at palagay ko dahil puro drawing lang ang gobyerno, wala tayong magagawa kundi magtiis na lang.

Taon-taon din sangkaterbang pondo ang ibinibigay sa National Irrigation Administration (NIA) pero kung oobserbahan n’yo, walang development sa mga irrigation sa inyong bayan o kaya ay hindi nadaragdagan.

Kung mayroon mang irrigation canal ay wala namang tubig kaya wala ring kwenta, kaya ang mga magsasaka ay walang magawa kundi gumamit ng deepwell na magastos sa krudo, para hindi mawalan ng tubig ang kanilang palayan.

Pero ang problema sa El Niño ay tiyak na makalilimutan pagdating ng tag-ulan at ang pag-uusapan na naman ay kung papaano iipunin ang tubig-ulan. Kung baga, kung ano ang isyu sa panahong iyon ay siyang pag-uusapan at nakalilimutan ang isa pang problema.

Hindi ko alam kung ang gobyerno ay nakatutulong talaga para maibsan ang pagdurusa ng mga tao sa kahit sa anong panahon, o sila talaga ang problema dahil hanggang drawing lang sila at walang aksyon.

43

Related posts

Leave a Comment