OPERASYON NG PERPETUAL CARE INC., IPINATIGIL?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

NAKATANGGAP tayo ng impormasyon na ipinatigil daw umano ng Local Government Unit (LGU) ng Argao ang operasyon ng Perpetual Care Inc., na kinukuwestiyon ang mga dokumento sa Securities and Exchange Commission (SEC) sa lalawigan ng Cebu.

Ayon sa concerned citizens sa lugar, nabalitaan nila na ipinatigil na “raw” umano ng LGU ng Argao ang operasyon ng kumpanya.

Ngunit ang pagkakaalam nila ay hanggang pagpapatigil lamang ang pupwedeng magawa nila, puwera lang daw kung mayroong isang tatayong complainant para mas matibay ang reklamo.

Ibig sabihin ba n’yan kaya ipinatigil dahil mainit lang ang isyu? At pag lumamig na ay muling mag-o-operate ito kahit na may mga paglabag sa batas? May palakasan ba ang batas sa Pilipinas?

Ayon sa ating source, alam naman daw ng barangay chairman ng Media Poblacion (Argao) na walang kaukulang lisensya at permit ang Perpetual Care Inc. ngunit bakit nag-o-operate sila at nangongolekta pa rin ng membership fees.

Sa puntong ito, napakalaking katanungan kung bakit kailangan pa nila ng complainant, samantalang ang mga barangay opisyal na mismo lalo na ang chairman nito, ay pwedeng tumayong complainant laban sa nabanggit na kumpanya.

Karamihan pa man din sa nahikayat ng Perpetual Care Inc., na nakolektahan umano ng membership fees ay ang mga nakatira sa bundok ng nasabing lalawigan.

Kaya wala silang interes na bumaba sa kapatagan at magkaroon ng lakas ng loob na maghain ng reklamo laban sa kumpanya.

Kung ang LGU ng Argao ang nagpatigil sa operasyon ng kumpanya ay sila na rin ang gumawa ng paraan na makunan nila ng mga pahayag ang mga nakolektahan nito na mga nakatira sa bundok.

At kung mapatunayan nilang may kalokohang ginawa ang Perpetual Care Inc., ay tuluyan na itong ipasara at kasuhan ang mga nasa likod nito.

Argao Mayor Alan Sesaldo, Sir, ‘wag n’yo na hintayin pa na lalo pang dumami ang makolektahan ng pera na mga kababayan natin na mga nasa bundok, kawawa naman sila.

Sa kabila ng pagpapatigil ng operasyon sa kumpanya ay patuloy pa rin daw itong nangongolekta ng pera? Gamit daw nito ang tindahang “Gaga Store” na nagsisilbing collection center na ipinost pa sa kanilang Facebook page?

Paging… Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary for Barangay Affairs Ramoncito “Chito” Valmocina, Sir, mukhang natutulog sa pansitan ang kapitan ng Media Poblacion, bayan ng Argao sa Cebu, sa isyu ng usapin ng Perpetual Care Inc.

Sa mga residente naman ng barangay na ito, malapit na ang barangay at SK elections sa Oktubre 2023, palitan n’yo na ang inyong kapitan kung hindi umaaksyon ‘yan sa inyong mga reklamo.

Napag-alaman din natin na hanggang ngayon, halos dalawang buwan na ang nakalipas, ay hindi pa rin daw umaaksyon ang SEC ng Cebu sa katanungan hinggil sa legalidad ng Perpetual Care Inc.? Mga opisyal… Hoy Gising!

oOo

Para sa reklamo at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

241

Related posts

Leave a Comment