(BERNARD TAGUINOD)
MISTULANG naghugas-kamay ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa reclamation projects sa Manila Bay na itinuturong dahilan ng pagbaha sa Bulacan at Pampanga nang manalasa ang bagyong Egay na sinabayan ng Habagat.
Sa pagdinig ng House committee on appropriations sa budget ng DENR, itinuro ni Secretary Antonia Loyzaga ang Philippine Reclamation Authority (PRA) na nagbigay ng go-signal sa mga reclamation project sa Manila Bay at hindi ang kanilang ahensya.
Ayon kay Loyzaga, tanging ang papel umano ng DENR ay magbigay ng Environment Compliance Certificate (ECC) sa reclamation projects subalit ang PRA ang nagbibigay ng permit para simulan ang proyekto.
“We are not the office issued the notice to proceed, those notices comes from the Philippine Reclamation Authority.We are merely part of a process which establishes the planning basis for whether in fact environmentally certain activity can be sustain in terms of ecosystem,” ani Loyzaga.
Tugon ito ng kalihim sa tanong ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel kung may napatawan na ng parusa sa mga pumirma sa ECC ng 22 reclamation projects sa Manila Bay na ipinatigil ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., matapos bumaha sa Pampanga at Bulacan.
Ayon kay Manuel, hindi maaaring palagpasin ang pananagutan ng mga pumirma sa ECC na naging basehan ng PRA para mag-isyu ng notice to proceeds sa mga nabanggit na proyekto na sumira sa kabuhayan ng mga mangingisda at naging dahilan ng matinding pagbaha.
Base sa mga report, ang 22 proyekto na ipinatigil sa Manila Bay ay nabigyan ng ECC noong panahon ni dating DENR Secretary Roy Cimatu.
“I would like to point out here that DENR is not the sole agency that has failed, so to speak if the honorable congressman were taken, 13 other mandamus agencies that are part of the Supreme Court ruling and the local government units that are the actually proponents of these different reclamation projects,” depensa pa ni Loyzaga.
Dahil dito, hindi dapat aniyang isisi lang sa DENR ang kabiguang protektahan ang coastal at ecosystem dahil trabaho ng lahat ng ahensya ng gobyerno ang pangangalaga sa nasabing karagatan.
