ORDINARYONG TAO WALANG PAGPIPILIAN

KUNG mayroong naiipit sa kalagayan ng ating bansa ngayon ay ang mga karaniwang tao. Kailangan nilang mamili… mamatay sila sa gutom o mamatay sa coronavirus ­disease 2019.

Ayaw nilang mamatay sa ­covid-19 pero hindi rin sila papayag na mamatay sa gutom kaya kailangan nilang lumabas upang maghanapbuhay at kahit papaano ay may mailalaman sa tiyan ng kanilang pamilya.

Di bale sa mga manggagawa sa gobyerno dahil tuloy-tuloy pa rin ang kanilang sahod kasama na ang iba pang benepisyo kahit ano man ang mangyari sa ating bansa dahil nakabudget na ang kanilang suweldo.

Pero ang mga karaniwang mamamayan, ang mga arawang manggagawa, kailangan nilang kumayod para maitawid ang araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya.

Kung tatanungin mo sila, ayaw rin nilang lumabas ng bahay para makaiwas sa covid-19 dahil tulad ng lahat walang gustong mamatay ng maaga pero wala silang magagawa dahil kung hindi sila lalabas, mamamatay naman sila kasama ang kanilang pamilya sa gutom.

Hindi ubra sa kanila ang tinatawag nating work from home na ginagawa ng karamihan sa mga empleyado ng gobyerno dahil hindi naman nila nagagawa ang natrabaho nila sa pagawaan, sa ­construction site, sa mga palengke, sa pagmamaneho sa kanilang bahay.

Kailangan ang physical ­presence sa ganitong trabaho kaya gustuhin man nilang manatili sa kanilang bahay ay hindi ubra kaya kailangan nilang lumabas upang magtrabaho.

Hindi na magbibigay ang ­gobyerno ng tulong pinansyal sa kanila matapos ang Social Amelioration Program 1 at 2. Yung natanggap nila noong Mayo hanggang Hunyo, wala na yun, ubos na. Naibili na nila ng pagkain.

Kulang pa nga yun sa budget ng isang pamilya sa isang buwan pero naitawid nila ang ilang buwan dahil kahit papaano ay may naitabi ang ilan sa kanila pero siguradong ubos na ang kanilang kakaunting ipon sa ilang buwan na wala silang hanapbuhay.

Aminin na natin, hindi kayang pakainin ng gobyerno ang lahat ng mamamayan sa mahabang panahon at limitado lang ang natutulungan tulad ng nangyari sa SAP dahil 18 milyong pamilya lang ang nakatanggap ng tulong pinansyal.

Ang taumbayan kayang buhayin ang gobyerno sa pamamagitan ng kanilang binabayarang buwis pero ang gobyerno, hindi kayang buhayin ang 110 million Filipino sa mahabang panahon.

Kaya huwag nating sisihin yung mga taong pilit na lumalabas para maghanapbuhay kahit alam nilang delikado ang situwasyon dahil kung aasa sila sa tulong ng gobyerno, mamamatay silang dilat ang mata.

Yung mga tambay na pagala-gala sa lansangan, naglalaro ng basketball sa kanilang kalsada, nakikipagtsismisan sa kapitbahay, nagtotong-its ng patago, nag-iinunan, sila ang dapat kontrolin pero yung nagsisikap na makapag-uwi ng barya para maipambili ng bigas, huwag natin silang husgahan.

Ang husgahan natin ay ang mga taong gobyerno na nagpabaya at hindi agad inaksyunan ang problemang ito gayung Nobyembre pa lang, ay alam na nila ang pagkalat ng virus na ito sa China.

DPA Ni BERNARD TAGUINOD
81

Related posts

Leave a Comment