Papalapit na ang Mayo Uno o Labor Day, at sa okasyong ito ay pinatitingkad natin ang panawagan na “Itaas ang sahod!” Habang walang tigil ang pagtaas ng presyo at ng mga bayarin, kailangang magkaroon ng malakihan at across-the-board increase sa sahod at sweldo sa buong bansa.
Una, kailangan na wakasan na ang deka-dekadang pagpapaubaya sa mga regional wage boards na diktahan ang minimum wage. Katunayan, dapat nang buwagin ang mga regional wage boards! Noong 1989, ipinaubaya ng Kongreso sa mga regional wage boards na diktahan ang minimum wage sa kanilang nasasakupan. Nagpaligsahan ang mga rehiyon sa pagbaba ng mga sahod dahil dito, para makaakit ng mga investors na naghahanap ng mas mababang gastos sa labor.
Pinawi ng iskemang ito ang tunay na halaga ng paggawa, at tuluy-tuloy na binarat ang mga manggagawa. Ayon sa Ibon Foundation, ang isang pamilya na may limang miyembro ay kailangang kumita ng P1,004 kada araw, o P23,660 kada buwan, para lamang tugunan ang mga batayang pangangailangan ng pamilya tulad ng pagkain, upa sa bahay, damit, edukasyon, transportasyon, gamot, at basic utilities.
Ito ay doble sa kasalukuyang minimum wage sa Maynila na P537 kada araw, o P14,000 kada buwan. Mas malubha pa ang lagay sa mga rehiyon na may mas mababang minimum wage.
Tila nakabatay ang minimum wage sa poverty threshold at hindi sa aktwal na halaga upang mabuhay nang disente. Hindi ito makatarungan! Dapat hindi lamang survival wage ang minimum wage, ang layunin dapat nito ay ialis ang mga manggagawa mula sa kahirapan. Bilang prinsipyo, naniniwala ang Bayan Muna sa “equal pay for equal work” at hindi nakabatay sa kung saan ka nakatira o nagtatrabaho. Ang napakababang sahod sa mga probinsya ang nagiging dahilan kung bakit nagsisiksikan ang mga manggagawa sa Maynila.
Itaas ang sahod! P750 National Minimum Wage, ipatupad! (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)
224