PAANO KUNG TOTOO?

SA TOTOO LANG

Sa lumabas na ulat kahapon, naniniwala si Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na babawiin ng China ang Scarborough Shoal bago magtapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 2022.

Ito ay dahil sinabi ng ating pangulo na hindi niya mapipigilan ang China sa pagtatayo ng mga istraktura sa shoals ng Panatag o Bajo de Masinloc.

Kung totoo man ito o kung tuluyang mangyayari, aba’y kawawa naman pala ang mga Filipino. Mawawalan tayo ng pag-aari. Mawawalan tayo ng karapatan at kalayaang makapunta sa West Philippine Sea.

Dito ay mababalewala lamang ang mga ipinaglalaban natin sa ating karapatan lalo na ang karapatan ng ating mga mangingisda na umaasa rin doon na kanilang ikinabubuhay.

Mahaba pa rin ang panahon bago matapos ang administrasyon ng pangulo, sa panahon na iyan ay mas posibleng makabuo ng plano ang mga Intsik para maghari sa nasabing shoals.

Maraming mga bansa ang naglalaban-laban at umaangkin sa WPS. Ang mga bansang iyan ay mga kapitbahay din naman natin sa Asya.

Sa sitwasyon ngayon, nawawalan ng lakas ng loob ang mga mamamayan pagkat ang ating pa­ngulo ay parang wala ring lakas na ilaban ang ating mga karapatan.

Sana siya ang nagsusulong ng ating ipinagla­laban, hindi sa paraang sasabihin wala siyang magagawa kung ganoon na lamang na aangkinin ng ibang bansa ang pag-aaring noon pang ipinaglalaban ng ating lahi.

Sa nangyayari ay nakukulangan ang marami sa leadership na ipinapakita ni Pangulong Duterte. Kaya nga ang puna ng marami ay siya ang ama ng bayan pero iwas sa bagay na dapat siya ang manguna at manindigan para sa bawat karapatan ng bawat Filipino.

Paano kung totoong tuluyan nang angkinin ng China ang WPS? Kung kulang sa kibo ang ating lider, sana may iba pang kumilos at tumayo para sa nakararaming mga Filipino.

May karapatan tayo sa WPS, huwag naman sanang balewalain iyan ng mga nakaupo. (Sa Totoo Lang / ANN ESTERNON)

143

Related posts

Leave a Comment