PAG-IRAL NG 4-DAY WORK WEEK DAPAT PABOR SA LAHAT

EDITORIAL

SUMINGAW ang panukalang 4-day work week dahil sa matinding init ng panahon.

Ang mataas na temperatura, na dinagdagan pa ng malalang trapiko, manipis na reserbang kuryente, ay nakatutuyong isyu na hinahanapan ng mga solusyon upang maibsan ang nararamdaman init ng mamamayan.

Malugod na tinanggap ito ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP), ngunit hindi raw dapat obligahin ang mga employer, at mas makabubuting hayaan ang mga kumpanya na gumawa ng sarili nilang panuntunan.

Ayon sa ECOP, may epekto sa ekonomiya ang 4-day work week dahil posibleng hindi sumang-ayon ang mga namumuhunan.

Sang-ayon si Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido Laguesma sa sinabi ng ECOP na ang mga employer ang higit na nasa posisyon para gumawa ng solusyon.

Gayunman, ang 4-day work week ay maaaring ipatupad ng pamahalaan at ng mga pribadong kumpanya, pero kailangan lang pag-usapang mabuti, ayon sa DOLE.

Ayon kay Laguesma, handa ang kanilang ahensya na tumulong sa anomang opisina sa paggawa ng mga panuntunan para tugunan ang mga pangangailangan ng mga nasa gobyerno at pribadong kompanya.

Sa parte ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), walang problema sa apat na araw na trabaho kada linggo basta bayaran nang tama ang mga manggagawa. Dapat isaalang-alang ang sweldo at kalusugan ng mga trabahador.

Sa patuloy na nararanasang matinding init ng panahon, may kapakinabangan ang 4-day work week, ngunit hindi matiyak kung ano ang pinsala na posibleng maidudulot kung pahahabain ang oras ng trabaho.

Dahil sa matinding init, ay lanta na ang ibang manggagawa kahit papasok pa lang sa trabaho kaya kakayanin ba nila ang sampung oras sa opisina o kumpanya?

May paalala ang DOLE sa mga employer na tiyakin ang kaligtasan ng kanilang mga manggagawa.

Ang mga manggagawa ay isa lamang sa mga sektor na apektado ng matinding init ng panahon, pero sa pangkalahatan ay taumbayan ang dumaranas ng pasakit na dulot ng climate change dahil na rin sa maling gawa, pag-abuso at kapabayaan.

Krisis sa kalusugan ang isa sa resulta nito.

Ang kalusugan at kaligtasan ng mamamayan sana ang bigyan ng atensyon at proteksyon ng gobyerno.

Pinaghahandaan natin ang tag-ulan at bagyo kaya dapat kasama rin ang tag-init sa mga plano at solusyon ng gobyerno.

43

Related posts

Leave a Comment