PASAYAWIN SA ULAN SI DOE SEC. LOTILLA

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

MARAMING diskarteng ginagawa ang mga Pilipino para maapula ang nararamdaman init. Kahit anong taktika, sumisirit pa rin ang heat index.

Pero ang mas nagpapainit ay ang mga sala sa lamig, sala sa init, kontradiksyon at mababaw o walang maayos na pahayag ng ilang may mataas na posisyon sa gobyerno na nagpapa-alburuto sa katinuan ng mamamayan.

Gaya nitong kalihim ng Department of Energy (DOE) na ang sagot sa pagkalampag ng isang senador sa sitwasyon ng kuryente sa bansa ay handa siyang mag-rain dance para dumating ang mga ulan.

Nagbibiro, nagpapakwela o wala lang maisagot na solusyon si Energy Secretary Raphael Lotilla? O kahit plano para matugunan ang epekto ng mainit na temperatura sa kuryente ng bansa.

Biro na ata ang alibi ng ilang opisyal bilang panapaw sa kakulangan ng seryosong pagtupad ng kanilang tungkulin.

Ito naman ang magkasalungat na pahayag at plano ng dalawang opisyal na rumerenda sa sistema ng transportasyon sa bansa.

Sinabi ng chairman Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), na tinitingnan nila na tanggalin ang EDSA bike lanes at sa halip ay magtayo ng eksklusibong motorcycle lane.

Inulan ito ng mga batikos lalo ng netizens dahil salungat ito sa direktiba ni Pangulong Marcos para sa sustainable modes of transportation.

Nauna nang nagkasundo ang mga civil society organization, kasama ang Department of Health (DOH), Department of Public Works and Highways (DPWH) at DOTr, na sama-samang magtrabaho upang mapabuti ang estado ng transportasyon sa bansa.

Muling iginiit ng Department of Transportation (DOTr) na ang pagtatayo ng ligtas na bike lanes at walkways ay mananatiling prayoridad sa pagresolba sa trapiko.

Lagi nang naiipit at lugi ang taumbayan kung ang ilang opisyal at may posisyon sa pamahalaan ay todo lang pahayag ng mga plano ngunit hindi iniisip at pinag-aaralan ang epekto sa publiko.

Sabagay, nakakondisyon na ang taumbayan ang mag-aadjust sa mga sitwasyon.

Dahil manipis ang reserbang kuryente kailangan bawasan ang gamit. Kung salat at taghirap sa supply ng tubig ay bawasan ang paggamit – ‘yung tabo gamitin pansalok ng tubig sa paliligo at isahang pagbuhos sa inihian.

Pati nga pagkain ng kanin ay pinakialaman pa ng marurunong sa gobyerno.

Ganun ata talaga. Kapag walang maapuhap na solusyon ay magpapasiklab na nakakasa na ang mga plano na malamang iginuhit lang sa papel.

Kaya ang papel ng mga opisyal na sumusweldo galing sa buwis ng publiko ay pagsabihan na lang ang publiko na mag-adjust.

Ay buhay sa Pinas. Kelan naman ia-adjust ng gobyerno ang kanilang serbisyo?

Dami kasing dahilan ng mga nasa pamahalaan kaya ipinapasa sa mga tao ang paghahanap ng diskarte.

Sila, sitting pretty. Ang publiko, dumidiskarte.

45

Related posts

Leave a Comment