PAG-USAD SA PAGGAMIT NG NUCLEAR ENERGY SA BANSA

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

ANG dating usapan pa lang, unti-unti nang umuusad dahil sa walang tigil na pakikipag-ugnayan ng ating bansa sa ibang partidong may parehong interes na isulong ang mas maliwanag na kinabukasan para sa mga Pilipino.

Laman ng balita nitong mga nagdaang araw ang pagdalo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos sa 30th Asia Pacific Economic Cooperation Summit sa Estados Unidos.

Sa kaganapang ito, nilagdaan ng mga kinatawan ng Pilipinas at Amerika ang Agreement for Cooperation Concerning Peaceful Uses of Nuclear Energy o ang tinatawag na 123 Agreement na nagbibigay-daan para makapag-export ng nuclear fuel, reactors, equipment at iba pang specialized nuclear materials, ang mga kumpanya sa Amerika papunta sa Pilipinas.

Nagsisilbi rin itong legal framework sa potensyal na mga proyektong may kinalaman sa nuclear at nagsisigurong magkakaroon ng ligtas at maayos na paggamit ng nuclear energy alinsunod sa mga pamantayan ng International Atomic Agency.

Isa ang Meralco sa aktibong sumusuporta sa pagsusulong ng pamahalaan sa paggamit ng alternatibong pagkukunan ng kuryente katulad ng nuclear energy.

Sa katunayan, naging saksi mismo si Pangulong Marcos sa opisyal na pirmahan ng kasunduan sa pagitan ng Meralco at ng Ultra Safe Nuclear Corporation (UNSC) na naglalayong pag-aralan ang posibleng paggamit ng mga micro modular reactor (MMR) para matugunan ang pangmatagalang pangangailangan para sa karagdagang suplay ng kuryente sa bansa.

Sa ilalim ng kanilang kasunduan, magsasagawa ang USNC sa loob ng apat na buwan, ng isang pre-feasibility para maging pamilyar ang Meralco sa MMR at kung paano ito magagamit sa Pilipinas. Kung maging matagumpay, tatawid ito sa mas detalyadong feasibility study na nakatuon sa paggamit ng teknolohiya sa ilang lugar sa Pilipinas.

Kasama sa pag-aaral ang pinansyal at teknikal na aspeto ng ganitong teknolohiya.

Ayon kay Meralco Chairman at CEO Manuel V. Pangilinan, testamento ang pakikipagtulungan ng Meralco sa UNSC sa layunin ng kumpanya na malutas na ang mga isyu ng kaligtasan at epekto sa presyo ng nuclear energy, at gayundin mapakinabangan ito na magkaroon ng sustainable na enerhiya sa hinaharap.

Alam naman natin na napakaraming debate tungkol dito sa paggamit ng nuclear energy. Maraming nag-aalangan dahil may mga tanong na hanggang ngayon ay hindi pa nasasagot.

Kaya nga ang mga kasunduang ito – ang 123 agreement sa pagitan ng Pilipinas at Estados at Unidos, at ang cooperative agreement ng Meralco at UNSC, ay magandang hakbang para mabigyang liwanag ang daan patungo sa paggamit ng teknolohiyang ito.

Marami pang sektor ng lipunan ang may mahalagang papel na gagampanan para umusad ang programa ng nuclear sa bansa, pero kung magtutulungan, possible naman na makaagapay ito para magkaroon tayo ng seguridad sa suplay at mapakinabangan nang husto ang benepisyong dulot nito.

Bukod sa kasunduang ito, nauna nang nagpahayag ang Meralco ng pakiisa sa pagtulong na magkaroon ng mga Pilipinong eksperto sa nuclear energy.

Sa pamamagitan ng programa nitong Filipino Scholars and Interns on Nuclear Engineering, magbibigay suporta ang Meralco Power Academy sa mga Pilipinong nagnanais maging nuclear engineers. Ipadadala sila sa mga kilalang unibersidad sa ibang bansa para mahasa at magkaroon ng sapat na kaalaman at makatulong sa programa ng pamahalaan. Bahagi rin ng programa ang Re-entry Action Plan kung saan kakailanganin nilang bumalik sa bansa para ibahagi ang kanilang kadalubhasaan sa mga kapwa Pilipino.

Sa puntong ito, bagama’t marami pang kailangang intindihin at unawain bago maisakatuparan ang layuning magamit ang mga nuclear energy, nakatutulong ang mga konkretong programa at ang pagtutulungan para masiguro na magkakaroon tayo ng sapat at maaasahang suplay ng kuryente sa hinaharap.

231

Related posts

Leave a Comment