PAGBIBIGAY NG P200K NI SINGSON SA MMDA ENFORCERS PINUNA NG CSC

PUNA ni JOEL O. AMONGO

HINDI pabor ang Civil Service Commissioner (CSC) sa ginawa ni dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson na pagbibigay ng P200,000 sa mga humuli sa kanyang sasakyan na dumaan sa EDSA bus way kamakailan.

Ayon kay Eileen Lizada, CSC Commissioner, mali ang ginawa ni Singson na pagbibigay ng pera sa traffic enforcers ng MMDA.

Sinabi pa niya, paano ‘yan kung may mahuhuli uli na may pera, magbibigay rin ng pera sa enforcers at sasabihin nagpapasalamat siya dahil hinuli siya.

Aniya, ipinagbabawal sa batas na ang isang empleyado ay tumanggap ng pera o regalo man dahil may mga suweldo naman mula sa taumbayan.

Nagtataka lang tayo na kung mali ang ginawa ni Singson na pagbibigay ng pera sa enforcer, bakit tinanggap pa ito ng MMDA?

Itinaon pa man din ito sa flag raising ceremony ng MMDA at sinabi ni Chairman Romando Artes na hindi mapupunta sa traffic enforcers ang pera dahil ilalagay itong donasyon na kanilang reresibuhan.

Wrong timing ata, chairman Artes, ang pagtanggap n’yo ng donasyon?

Hindi naniniwala ang PUNA na hindi alam ni Chairman Artes ang tinutukoy na batas ni CSC Commission Lizada na nagbabawal sa mga empleyado ng gobyerno na tumanggap ng regalo, maging cash man ito o bagay.

Sa ginawa nating pagkalkal sa baul, na-PUNA natin na nakapaloob sa R.A. 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees na mahigpit na ipinagbabawal ang pagtanggap, pagpabor at paghingi ng anomang bagay o pera.

Sa malamang at malamang, ito rin ang naging basehan ni CSC Commissioner Lizada kaya niyang sinabi na may mali sa ginawang pagbibigay ng pera ni Singson at pagtanggap naman ng MMDA traffic enforcers sa perang ito.

Kamakailan ay nag-viral ang pagkakahuli ng traffic enforcers sa armored car na sinasakyan ni Singson matapos na dumaan sa bus way.

Inamin ni Singson na mali ang kanilang ginawang pagdaan sa bus way kaya sinabi niyang bibigyan niya ng P100K ang enforcers na humuli sa kanyang sasakyan.

Ang P100K ay lumaki na naging P200K sa pagdalo ni Singson sa flag raising ceremony ng MMDA noong nakaraang Lunes.

Bagama’t inamin at binayaran (tinubos) ni Singson ang lisensya ng kanyang driver na nagmaneho ng kanyang sasakyan noong dumaan sila sa bus way, ay hindi pa rin siya nakaligtas sa kaliwat-kanang pag-PUNA mula sa netizens.

May mga nagsasabi na dahil mayaman siya (Chavit) ay dinaan niya ito sa pera-pera, mayroon namang pumupuri sa kanya na inamin niya ang kanyang pagkakamali at dahil sa kanyang pagkilala sa tamang ginawa ng MMDA enforcers na paghuli ng kanyang sinasakyan, ay binigyan niya sana ito ng pabuya.

Sa pinakahuling natanggap nating impormasyon, sisilipin din daw ng Land Transportation Office (LTO) ang insidente at maging ang sinasakyan ni Singson na armored car kung ito ba ay imported o lokal na gawa.

Marami sa ating mga opisyal ng gobyerno ang hindi pinapansin ang R.A. 6713, ang iba nga ay lantaran pa ang pagtanggap ng mga regalo lalo na pagdating ng kanilang kaarawan.

Hindi pa rin talaga nawawala ang palakasan sa bayan ni Juan.

oOo

Para sa sumbong, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

42

Related posts

Leave a Comment