SUPLADO SI SENATOR?

DPA ni BERNARD TAGUINOD

IBALING muna natin sa blind item ang ating pitak ngayon.

Alam mong malapit na ang eleksyon ngayon dahil nagkalat sa pangunahing mga lansangan ang mga larawan at pagbati ng mga reeleksyunistang senador at panay na ang pasyal nila sa mga probinsya

‘Yung mga graduating senator siyempre hindi na sila magpaparamdam dahil tapos na ang kanilang termino at hindi na sila maaaring tumakbo sa susunod na eleksyon kaya ‘yung mga reelectionist senators ang may mga tarpaulin sa mga lansangan.

Mayroon din palang congresswoman ang kalat na rin ang mga larawan sa mga probinsya kahit hindi siya tagaroon kaya alam na dis, malamang tatakbo si Congresswoman sa Senado sa susunod na eleksyon para palitan ang graduating senador na kanyang kapamilya.

Pero hindi sila ang topic natin ngayon kundi ‘yung isang miyembro ng mataas na kapulungan na lumalabas ang pagkasuplado kapag nanalo na siya as in hindi na pinapansin ang mga tumulong sa kanya.

May isang grupo kasi ang nilapitan daw ng senador na ito para tulungan siya sa kanyang kandidatura at dahil may pakumbaba ang kanyang paglapit at halos lumuhod ay tinulungan naman siya.

Noong nanalo na si Senador ay hindi raw ito matawagan ng grupo kahit hindi naman siya nagpalit ng cellphone number gayung noong kumakandidato pa lamang siya ay halos araw-araw ay nangungulit at nangangamusta sa nilapitang mga grupo.

Kaya ang pakiramdam ng mga grupong tumulong sa senador na ito ay lumabas na ulit ang pagka-spoiled brat dahil kahit anong tawag at text ng mga ito ay wala kahit isang sagot gayung hindi naman daw niya nagpalitang cellphone number.

Pero ok lang daw sa grupo dahil siguradong darating din ang araw na muling tatakbo si Senador at malamang ay lalapitan na naman sila para hingian ng tulong at siguradong hindi na raw ito makakaulit.

Ang pagtulong daw kasi ng grupo ay walang kapalit na kahit singkong duling dahil ang drama niya ay wala siyang pondo hindi tulad ng mga nakalaban niya na sangkatutak daw ang campaign funds.

Kaya halos nagmakaaawa raw ito sa nilalapitang mga grupo para tulungan pero makalilimot daw pala ito noong nanalo na siya gayung ang bata pa niya para magkaroon ng sakit na kalimot.

Kahit ang mga politiko sa mga probinsya ay may tampo rin daw kay Senador dahil cannot be reach ang kanyang cellphone kapag tinatawagan siya para kahit papano ay batuhan sila ng proyekto.

Clue: Hindi aktibo sa mga committee hearing sa Senado ang senador na ito kaya bihirang mabasa ang kanyang pangalan sa mga balita at maiksi lang ang kanyang pangalan. Kuha nyo?

52

Related posts

Leave a Comment