PAGLABAN SA MGA ONLINE SCAM

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

TALAGA bang naging mas matalino at maingat na ang mga Pilipino sa mga online scam?

Ayon sa Anti-Cybercrime Group ng Philippine National Police (PNP-ACG), malaki ang ibinagsak ng bilang ng mga kaso ng mga online scam sa bansa nitong nakaraang buwan ng Enero.

Kumpara sa kaparehong buwan noong nakaraang taon, bumaba ito nang 40 porsyento matapos magtala ang PNP-ACG ng 624 na kaso lamang mula sa 1,045. Dahil umano ito sa patuloy na pagsusumikap na labanan ang mga online scammer, at pagpapalawig ng operasyon ng PNP-ACG sa pamamagitan ng paglalagay ng cybercrime desk sa mga istasyon ng pulisya sa iba’t ibang rehiyon, lalawigan, at distrito sa bansa.

Nakatutulong din daw na mas alam na ng naatasang mga nakatalaga sa mga cybercrime desk ang dapat nilang gawin kapag mayroong nagreklamo. Kudos naman sa ginagawang patuloy na pagsasanay ng pulisya para mas mapabuti pa ang serbisyong hatid nila sa makabagong panahon kung saan naglipana ang mga lokohan pati sa internet.

Bukod pa riyan, nabanggit din ng PNP-ACG ang kooperasyon ng mga biktima upang agad mahuli ang mga suspek sa online scam.

Magandang simula ito at dapat pang pag-igihan at pag-ibayuhin, dahil hindi naman mahirap puksain ang ganitong mga problema na resulta ng tuluy-tuloy na digitalisasyon sa bansa.

Mas makabubuti rin kung higit na magiging proactive pa ang pulisya, at gayundin ang iba pang miyembro ng komunidad sa pagsusulong ng kaalaman para matukoy ang kadalasang mga ginagawa ng mga scammer.

Kung tutuusin nga, bagama’t ang online scam ay resulta ng pagdepende at exposure ng marami sa online channels, kahit papaano ay nakatutulong din ang mga ito para ipakalat at labanan ang mga manloloko.

Itong nagba-viral na mga paalala at pag-expose sa mga modus at istilo ng panloloko ay nakapagliligtas sa marami pang pwedeng maging mga biktima ng mga nanloloko online.

Pati mga simpleng bagay ay ginagamit sa panloloko para pagkakitaan. Halimbawa na lang itong patuloy na pagpo-post tungkol sa tinatawag na energy saving devices na nakatitipid umano sa kuryente.

Sobrang daming ganitong nagbebenta na naglipana sa internet, at mayroon pang videos na tila minanipula para palabasin na totoong nakatutulong ito sa pamamagitan ng paggamit ng mga opisyal ng pamahalaan partikular ang Department of Energy (DOE) at ng pribadong distribyutor ng kuryente kagaya ng Meralco.

Kung ‘di mo talaga iintindihin at pag-iisipang mabuti, nakabibilib naman talaga kung sa halagang ilang daang piso, bababa nang malaki ang bayarin sa kuryente.

Pero ilang ulit na ring nagpahayag ang DOE at Meralco na hindi naman totoong nakatitipid ang mga energy saving device na ito. Sa katunayan, dahil kailangan pa ngang isaksak, nakadaragdag pa ito ng konsumo at bayarin sa kuryente!

Hindi naman natin basta na lang masisisi ang kapwa natin na madaling maniwala sa ganitong mga panloloko, dahil basta makatitipid, tiyak papatulan natin.

Kaya nga dapat hindi rin tayo magsawang labanan hindi lamang ang mga online scam kundi pati na rin ang fake news at pekeng promotion na ginagawa sa internet.

Kailan ba mauubos ang mga online scam?

Habang mas nagiging dependent tayo sa internet, tiyak darami pa rin at mag-iiba pa ang mga paraan na ginagamit sa panloloko kaya dapat hindi tayo maging kampante, at tandaang hindi lahat ng nakikita natin online ay totoo.

Samahan natin ang PNP-ACG at iba pang sangay ng lipunan na nagsusulong ng paglaban sa mga manloloko, dahil kung tutulong tayo, tiyak mas marami pa tayong mailalayo at maiiwas sa mga taong ginagamit ang internet para makapanlamang sa kapwa.

145

Related posts

Leave a Comment