PAGLILINAW NI CONG. ERWIN TULFO UKOL SA PEOPLE’S INITIATIVE

TARGET ni KA REX CAYANONG

SA gitna ng maingay na usapin ukol sa people’s initiative para sa pagbabago ng ilang probisyon sa Saligang Batas, kailangan nating maging mapanuri at magsilbing bantayog ng katotohanan.

Nilinaw naman ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo na wala itong kinalaman sa anomang direktiba mula sa liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Ayon sa kanya, hindi ang pera ng taumbayan ang ginagamit para sa kampanya.

Ngunit, bagama’t may paliwanag dito si Cong. Tulfo, hindi maikakaila ang pangambang ipinaabot ni Vice President Sara Duterte hinggil sa umano’y signature buying o suhulan sa likod ng people’s initiative campaign.

Ito’y isang seryosong akusasyon na nagdudulot ng agam-agam sa integridad ng nasabing kampanya.

Sa statement ni VP Duterte, nagpahayag siya ng pangamba na tila araw-araw na nagaganap ang pamimigay ng pera kapalit ng pirma sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ipinunto niya na ang ganitong gawain ay hindi lamang paglabag sa batas kundi isang malinaw na pagsasamantala sa kahinaan ng mamamayan na nagdudulot ng pagbaba ng respeto sa kanilang karapatan.

Ang pagsasamantala raw sa kahirapan at paggamit ng pera para manipulahin ang demokratikong proseso ay masalimuot na isyu na dapat nating tutukan.

Hindi ito nagbibigay daan sa malayang pagpapahayag ng mamamayan at nagiging instrumento ito ng iilang pribilehiyadong tao upang tuparin ang kanilang layunin.

Higit sa lahat, ito’y nagiging senyales ng kakulangan ng pag-aalala ng ilang pulitiko sa tunay na kalagayan ng mga ordinaryong Pilipino.

Sinasabing sa halip na unahin ang mga suliraning hinaharap ng mamamayan, tila mas interesado sila sa pangangampanya para sa charter change. Ito’y nagreresulta sa isang pagkakataon na bigo nating matukoy ang tunay na mga problema ng bansa at mahanapan ng makabuluhang solusyon.

At sa gitna ng lahat ng ito, mahalaga na manatiling bukas ang ating isipan at maging mapanuri sa mga kaganapan.

Dapat nating suriin ang bawat aspeto ng people’s initiative at siguruhing ito’y isang lehitimong gawain na naglalayong mapabuti ang ating Saligang Batas para sa ikabubuti ng sambayanang Pilipino.

Sa huli, ito’y pagpapakita ng ating pagmamahal sa bayan ang magtutulak sa atin na magsanay ng malasakit sa kapakanan ng mga Pilipino.

Dapat nating isaalang-alang ang mga pangangailangan ng nakararami bago tayo mangarap ng malalaking pagbabago sa ating bansa.

36

Related posts

Leave a Comment