MANHID TALAGA ANG MGA MARCOS

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

KINUYOG ng batikos ang pagsakay sa helicopter ni President Ferdinand Marcos Jr. nang manood siya ng “Music of the Spheres” concert ng Coldplay sa Bulacan nitong Biyernes, Enero 19.

Patutsada ng ilang netizen, tinalbugan ng “chopper ride” ang concert. Mas pinag-uusapan ang pagsakay kaysa Music of the Spheres.

Sa post naman ng isang transport group sa Facebook page nito, dumalo si Marcos sa concert ng Coldplay na 32 kilometro lamang ang distansya mula sa Malacañang sakay ng helicopter.

Si Marcos na nagtutulak ng phase-out ng mga jeepney dahil sa environmentalism, ay sumakay ng chopper para sa concert. Ang parehong Marcos na magkakait ng trabaho sa mga informal transport workers pagsapit ng Pebrero 1.

Maging ang frontman ng bandang Coldplay ay pinuna ang matinding trapiko sa Maynila. Imposibleng hindi nila alam na manonood ng kanilang concert ang First Family pero hayun nga at hindi nila napigilang pumuna.

Ani Chris Martin, “I think… we’ve seen some traffic, but I think you have the number one in the world.

Sa tagal ng biyahe ay nagawa pa niyang mag-compose na kinanta n’ya sa mismong concert na naglalarawan sa kalbaryo sa pagsuong sa trapiko.

Sa bandang huli ay pinasalamatan niya ang mga nanood na sinuong aniya ang “bullshit” gaya ng trapik makarating lang sa venue.

Sampal kay Marcos Jr. na nanood kasama ang maybahay na si Liza at anak na si Vincent, ang komento ni Martin.

Ayon sa isang netizen, tila normal na sa isang presidente na sumakay ng helicopter para sa pop concert habang ang mamamayan ay naghihirap, naiipit sa trapiko at nagtitiis sa mga isyu na kailangang bigyan ng pansin at agarang aksyon ng gobyerno.

Paano nga matutugunan ang hinaharap na problema ng mga tao kung mas madaling magsaya gamit ang pinaghirapan ng masa?

Binigyan-katwiran naman ng pamahalaan ang isyu ng chopper ride. Dumagsa raw ang libo-libong tao sa concert, na nagresulta ng hindi inaasahang komplikasyon ng trapiko sa ruta.

Ang sitwasyon ng trapiko ay may potensiyal anila na banta sa seguridad ng Pangulo kaya ang desisyon: helicopter.

Tugon ng netizens, paano nila seseryosohin ang depensa ng gobyerno na ang trapikong dulot ng concert ay banta sa seguridad gayung dapat magsilbing huwaran ang pangulo. Tanong nila: paano magiging ehemplo ang Pangulo sa paggamit ng chopper habang karamihan ng tao ay sinusuong ang trapiko?

Pasaring pa ng iba, kaya nangunguna ang Metro Manila sa pinakamalalang trapiko sa metro areas sa mundo dahil sa halip na solusyunan, ito ay tinatalikdan dahil madali sa mga may pribilehiyo na ito ay maiwasan.

Nakadagdag pa ang sandamakmak na politiko at mga taong VIP na mistulang mga hari ng kalsada kung umasta.

Banat pa ng netizens, pinakita lamang ng Pangulo ang tatak ng Marcos.

Sa madaling salita – bahala kayo diyan.

Ika nga, ang daling sumakay sa lipad-lipad kumpara sa pag-aayos ng problema ng trapiko.

Kinuwestyon din ng ilan ang tunay na malasakit ng gobyerno sa publiko.

Ang sitwasyon at larawan umano ng kalakaran, sistema at takbo ng buhay ay ang distinction ng pribilehiyo at kalbaryo.

110

Related posts

Leave a Comment