MAGSASAKA NALULUGI SA MALING KALKULASYON NG DA

EDITORIAL

IKINATUWA ng grupo ng nagtatanim ng sibuyas ang ginawa ng Department of Agriculture na itigil ang importasyon ng sibuyas bago ang anihan sa Pebrero.

Ngunit, may balitang sa kalsada na ibinebenta ng ilang magsasaka sa Nueva Ecija ang puting sibuyas. Ang mas lalong nakapanlulumo ay bagsak-presyo na ito.

Kailangang magpalugi ng mga magsasaka sa pagdispatsa ng kanilang naani. Sobra ang supply, na pinalala pa ng maraming inangkat na sibuyas.

Natutuwa ang mga mamimili dahil mura ngunit umiiyak ang mga magsasaka dahil lugi sila.

Huli na ang aksyon ng DA o sablay sa pagtantiya tungkol sa umpisa ng anihan?

Panahon na ng anihan ngayon na magtatagal hanggang Abril.

Kakayanin daw ng mga lokal na magsasaka na maging sapat ang supply ng sibuyas sa bansa.

Ang suspensyon ng importasyon sa bansa ay inaasahang magtatagal hanggang Mayo o limang buwan matapos ang anihan. May posibilidad na palawigin ito hanggang Hulyo, ngunit kailangang ito ay muling suriin para matiyak kung sapat pa rin ang lokal na produkto nang maiwasan ang pagtaas ng presyo.

Pabor sa mga magsasaka ang suspensyon ng importasyon dahil maibebenta nila ang inani sa magandang presyo.

Ngunit ang isa pang dapat ibigay na suporta ng pamahalaan sa mga magsasaka ay ang kahandaan ng mga storage facility para sa mga lokal na produkto nang masiguro ang sapat na supply hanggang sa tinatantyang panahon.

Sapat na imbakan na hindi kontrolado ng iilan ang mga pasilidad, ang tugon sa isa sa matagal nang problema sa produksyon ng agrikultura.

Kahit walang pinansiyal na ayuda, hindi iiyak ang mga nagtatanim ng sibuyas kung may garantiyang sila ay kikita.

89

Related posts

Leave a Comment