Pagninilay sa pagtatapos ng Semana Santa

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

PARA sa napakaraming Pilipino, mahalaga ang Semana Santa kung kailan isinasagawa ang iba’t ibang tradisyon habang ginugunita ang mga huling araw ni Kristo hanggang sa kanyang muling pagkabuhay.

Hindi nakagugulat na sa pagpasok ng linggong ito, napakatindi ng trapiko dahil marami ring nag-uuwian sa kanilang mga probinsya para doon gunitain ang Mahal na Araw.

Habang isinasagawa natin ang mga tradisyon kagaya ng Visita Iglesia, penitensya, pabasa, vigil at mga prusisyon — marami ring mga kababayan natin sa sektor ng pampublikong serbisyo ang nakabantay para masigurong magiging mapayapa at maayos ang mga gagawing aktibidad.

Salamat sa frontliners sa pulisya, lokal na pamahalaan, utilities, sektor ng transportasyon at iba pa na nakabantay at handang umalalay sa atin habang kasama natin ang ating mga pamilya sa maikli pero makabuluhang linggong nagdaan.

Ang Semana Santa ay nagbigay ng oportunidad para sa marami na tumigil sandali at magnilay-nilay. Maingay ang mundo at masyadong maraming nangyayari at sa sobrang bilis ng mga ito, marami tayong hindi na napapansin para lang makasabay sa agos nito.

Kahit ang mga bagay na hindi tama, hindi makatarungan o hindi makatao — kung hindi naman malaki ang epekto, o kaya hindi naman lumalabas sa social media, ipinagpapasawalang bahala na lang natin.

Nakalulungkot nga na minsan, kailangan pa nating makita ang mga ito na nag-trend bago pa tayo makaramdam na may dapat tayong gawin tungkol dito, o bago natin mapagtanto na hindi pala tama.

Pero salamat na rin sa modernong teknolohiya na kung gagamitin naman nang tama, nakatutulong naman talaga para imulat ang marami sa mga totoong isyu at problemang kinakaharap ng lipunan. Kadalasan nga, ito pa ang nagiging susi para maresolba o talagang maaksyunan ng mga may kapangyarihan.

Kasabay ng pagdiriwang ng maraming Kristiyano ng Pista ng Pagkabuhay, maging bukas tayo sa pagiging mas mabuti sa ating kapwa — anoman ang estado nila sa buhay, o anoman ang kanilang kasalanan. Likas sa atin ang magkaroon ng mga pagkakamali, at kailangan ng ibayong pang-unawa at kabutihan para hindi natin gamitin ito para gumawa ng masama sa iba.

Lumaki ako sa isang Katolikong tahanan at bagama’t hindi naman ako sobrang madasalin, sinisiguro ng nanay ko na iginagalang namin at isinasabuhay ang aming relihiyon.

At sabi nga niya, ito ang perpektong pagkakataon para ipagpasa-Diyos ang lahat ng nasa puso natin — saloobin, alinlangan, hinanakit, o galit. Pero mahalaga ring magpasalamat sa magagandang bagay na nangyayari na madalas, hindi natin napapansin.

Ang Pasko ng Pagkabuhay ay nagbubukas sa isa na namang panahong sumisimbolo ng panibagong simula, at pananalig na kaya nating harapin anomang hamong dumating sa ating buhay.

Bukod sa mga personal na mga dasal, isabuhay rin natin ang diwa ng Pasko ng Pagkabuhay na nagbibigay ng pag-asa at nag-uudyok na palaganapin pa natin ang kapayapaan na tiyak makatutulong kahit papaano para maging mas maayos at makabuluhan, hindi lamang ang ating buhay, kundi pati na rin ang buhay ng mga tao sa ating paligid.

Maligayang Pasko ng Pagkabuhay!

103

Related posts

Leave a Comment