PAGTATAKSIL SA BAYAN

DPA ni BERNARD TAGUINOD

DAPAT kasuhan ng treason o pagtataksil sa bayan ang sinomang nangako sa China na aalisin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal na bahagi ng teritoryo ng Pilipinas.

Walang binabanggit ang China kung sino ang nangako sa kanila pero mahigit dalawang dekada na raw itong ipinangako sa kanila kaya asang-asa sila na maaalis ang barkong ito para maokupahan na nila tulad ng ginawa nila sa ibang bahura natin sa West Philippine Sea (WPS).

Para na ring isinuko ng Pilipinas ang Ayungin Shoal kapag inalis ang barkong ito na ang layo lang sa Palawan ay mahigit 191 milya at pasok sa 200 exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas, kaya sinoman ang nangakong aalisin ito, ay nagtaksil na sa bayan.

Sumusumpa ang lahat ng lider ng bansa na ipagtatanggol at idedepensa ang teritoryo at soberenya ng Pilipinas pero marami sa kanila ang taksil sa bayan. Sarili lang ang iniisip at hindi ang kapakanan ng mga Filipino at bansa sa kabuuan.

Kung nanggigil kayo sa pagbobomba ng China Coast Guard ng tubig sa Philippine Coast Guard na nagdadala ng supply sa Navy na naka-deploy sa BRP Sierra Madre, mas nakakagigil ang katahimikan ng karamihan sa ating mga mambabatas lalo na sa Kamara.

Sa ngayon ay 312 ang congressman pero wala pang 10 sa kanila ang nagsasalita laban sa pangha-harass ng China. Para bang nanonood lang sila kung paano harasin ng China ang ating PCG sa loob mismo ng ating teritoryo at hindi man nilang nila kinokondena.

Para sa akin, pagtataksil din sa bayan ang katahimikan ng mga mambabatas na nanumpa rin sa bayan na ipagtatanggol ang saligang batas at sambayanang Filipino pero binu-bully at hina-harass ng China ang puwersa natin sa WPS at wala man lang pagkondena na ginawa ang karamihan sa kanila.

Kaya malakas ang loob ng China na i-bully tayo dahil alam nilang hindi tayo nagkakaisa at marami pa sa ating mga lider ang kakampi nila. Sila yata ang natitirang lahi ng mga makapili noong panahon ng Hapon na isinasakripisyo ang kapwa Pilipino para sa kanilang sariling interes at kapakanan at hindi ng bayan.

Mabuti pa ang gobyerno ng Japan, Amerika, European Union, Canada at Australia, agad na kinondena ang China sa ginawa nila sa PCG pero karamihan sa mga lider natin, nganga! Wala talagang maaasahan sa kanila.

Hindi naman siguro pakikipag-away at paghahanap ng giyera kung magkaisa ang lahat ng mga lider ng bansa at ipakita sa China na ubos na ang kanilang pasensya pero wala eh, nakabibingi ang kanilang katahimikan na hindi mo alam kung baon din ba sila ng utang na loob sa mga Intsik.

Sa katunayan nga, tayo ang inaaway at laging hinahamon ng China na tila inuubos ang ating pasensya para sakaling bumigay sa kanila lalo na’t alam nila na marami sa mga lider natin ang malamya, walang pakialam sa hinaharap at pinagtataksilan ang sariling mamamayan.

Kahit sabihin natin na nagkakaisa ang mga Filipino sa pagkondena sa asal ng China sa WPS, walang silbi ‘yan ngayon hangga’t hindi nagkakaisa ang mga lider natin. Sila ang dapat maggiya sa atin pero nakabibingi ang kanilang katahimikan.

326

Related posts

Leave a Comment