MARIING pinapanawagan ng Bayan Muna ang kagyat na pagbabasura sa mga gawa-gawang kaso at pagpapalaya kina John Griefen Arlegui, 20, at Reynaldo Remias Jr., 24, na dinukot ng mga hinihinalang ahente ng estado habang nangangampanya para sa Bayan Muna at kay Neri Colmenares sa Angat, Bulacan. Inilitaw sila sa CIDG-Malolos matapos ang dalawang araw, at kinasuhan sila ng kasong paglabag sa RA 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Act.
Ayon sa mga saksi, ang dalawa ay pilit na ipinasok sa loob ng pulang kotse na walang plaka ng mga armadong kalalakihan. Sila ay dinukot sa harap ng kapilya ng Iglesia ni Cristo sa Brgy. Sta. Cruz, Angat, Bulacan noong Abril 13.
Paulit-ulit ang harassment, pagdukot, at pagpatay sa mga miyembro ng progresibong organisasyon at partido gaya ng Bayan Muna. Katunayan, noong unang bahagi ng kampanya, pinaslang ang coordinator ng Bayan Muna sa Samar na si James Vinas. Gayundin, nananatiling nawawala ang organisador ng Bayan Muna sa hanay ng magbubukid na si Joey Torres, na dinukot noong October 2018.
Malinaw rin ang mga pangangampanya ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police laban sa Bayan Muna at sa iba pang mga miyembro ng Makabayan bloc.
Halimbawa na lamang dito ay si Deputy Chief of Staff for Operations Brigadier General Antonio Parlade, na ilegal na nangangampanya laban sa mga kandidato ng Makabayan sa Kongreso at Senado sa kanyang mga paratang at paninira. Ito ay labag sa ating Batas Elektoral at sa mga patakaran ng Comelec.
Ang hamon namin kay Gen. Parlade at sa iba pang katulad niya, kung may ebidensya sila ng maling gawain ng Bayan Muna at ng Makabayan ay ihain nila ito sa korte, at huwag lamang magpakalat ng tsismis at disimpormasyon sa mamamayan. (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)
227