PALIWANAG NG PAGCOR SA ALEGASYON NI BAMBAN, TARLAC MAYOR ALICE GUO!

TARGET NI KA REX CAYANONG

NAPAPANAHON ang pagbibigay-linaw ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) hinggil sa sinasabing mga maling pahayag ni Atty. Nicole Rose Margaret Jamilla kaugnay ng kasong isinampa laban sa Mayor Alice Guo ng Bamban, Tarlac.

Tinukoy ni Atty. Jamilla ang PAGCOR bilang sanhi raw kung bakit may mga kriminal na kaso laban sa kanyang kliyenteng si Mayor Guo.

Mahalagang maipaabot ang tama at kumpletong impormasyon upang maliwanagan ang publiko hinggil sa papel at responsibilidad ng PAGCOR sa nasabing insidente.

Unang-una, malinaw ang mga patakaran ng PAGCOR kaugnay sa pagbibigay ng lisensya sa mga gaming operator. Ang PAGCOR ay may mahigpit na sistema ng pagtitiyak ng pagsunod sa batas at regulasyon sa gaming. Kung may lumabag sa mga ito, maaaring parusahan agad at kanselahin ang kanilang lisensiya.

Subalit, hindi saklaw ng PAGCOR ang pagbibigay ng local business permit at lisensya. Sa konteksto ng kaso sa Bamban, ang Zun Yuan Technologies, Inc. ay may provisional license mula sa PAGCOR at hindi ito konektado sa mga lokal na permit o inspeksyon ng gusali.

Ang PAGCOR ay limitado lamang sa pag-iisyu ng gaming license batay sa mga aplikasyon at dokumento ng mga kumpanya.

Hindi rin kailanman bahagi ng responsibilidad ng PAGCOR ang inspeksyon ng mga gusali o compound na wala sa ilalim ng kanilang saklaw. Sa nasabing kaso, ang inspeksyon sa compound ng Bamban ay nasa ilalim ng local government at hindi sa gaming firm.

Tulad ng nabanggit, ang PAGCOR ay nagbigay ng pansamantalang lisensya sa Zun Yuan Technologies at ito ay agad na binawi matapos ang pagsalakay na iyon. Malinaw na hindi kailanman naging bahagi ang ahensya sa anomang aktibidad o operasyon sa loob ng nasabing compound.

Sa paglilinaw na ito, nagpapakita ang PAGCOR ng kanilang patuloy na pagpapatupad ng mga regulasyon at pagpapanatili ng kahusayan sa kanilang mga tungkulin.

Ipinakikita rin nila ang kanilang dedikasyon sa pagsugpo sa ilegal na mga gawain sa gaming industry. Hindi lamang sila nagtatanggol sa kanilang sarili, bagkus patuloy na nangunguna sa pagsasaayos ng mga sistemang nagtataguyod nang maayos at patas na gaming environment para sa lahat.

Ang mga ulat ng katiwalian o anomang uri ng krimen ay dapat imbestigahan at tiyakin na may kaukulang parusa. Ngunit sa ganitong panahon ng kontrobersiya, mahalaga rin na maipahayag nang maayos ang tamang konteksto at impormasyon upang hindi mapagbintangan ng hindi nararapat ang mga institusyon o mga indibidwal.

Sa pamamagitan ng ganitong mga pahayag at paliwanag, mas magiging maingat at maalam ang publiko sa kanilang pag-unawa sa mga kaganapan at sa paghusga sa anomang isyu.

41

Related posts

Leave a Comment