PANANAMANTALA SA MGA MARINO’T MARINA NG MANNING AGENCY IKINANTA

PUNA ni Joel Amongo

IDINETALYE sa PUNA ng isang dating seaman kung paanong napagsasamantalahan ng mga manning agency ang Pinoy seafarers.

Ang mga manning agency na ito ang tumatanggap ng kabayaran para sa seaman at seawoman mula sa kanilang foreign principal employers.

Depende sa kontrata nito na maaaring at-cost o lump sum ang bayad ng principals sa mga agency na ito.

Ang manning agency naman ang magbibigay ng allotment na pera sa kamag-anak, asawa, magulang o depende sa seaman at seawoman na kanyang pabibigyan ng kanyang suporta.

Madalas na nakapaloob sa tinatawag na Manning Agreement ang lahat ng detalye ng kontrata at obligasyon ng bawat isa.

Depende pa rin ang taripa kung ang barko na lalagyan ng crew na na-recruit ng manning agent ay para sa dry o wet cargo ship o kaya cruise ship at iba pa.

Buwanan ang pagbabayad ng manning fees ng principals sa kanilang manning agency.

Buwanan din ang remittance ng principals para sa allotment ng mga crew ng barko na ipinadadaan din sa manning agents.

Kung pagbabasehan ang batas ng allotment ay hindi dapat bababa ng 80% ng basic salary ng mga nagbabarko (seaman o seawoman).

Ang schedule naman ng pagre-remit ng manning agents ng allotment sa designated allotees ay naaayon sa patakaran ng ahensya at wala rin itinakdang batas na kada buwan.

Ibig sabihin kung ano na lang ang gusto ng manning agency kung kailan nila ibibigay ang allotments sa allottees.

Ang galing naman! Ibig sabihin may oras pa ang manning agency na gamitin ang pera na nagmula sa principals na dapat ibibigay sa allottees.

Sa usaping ito nakaka-kick back ang manning agency ng milyun-milyong piso sa mga kawawa nating mga kababayan na nagsasakripisyo ng hirap ng trabaho sa loob ng barko sa malalayong karagatan sa buong mundo.

Hindi rin ibinibigay ng manning agency sa kanilang mga na-recruit na seaman o seawoman, ang tamang palitan ng piso sa dolyar.

Nagtatakda lamang sila depende sa kanilang kausap na bangko kung magkano ang kanilang ibibigay sa allottees na palitan ng piso sa dolyar.

May mga manning agency din na labis-labis ang kanilang ibinabawas kada buwan na palitan sa forex para sa allotment ng mga kamag-anak ng mga kawawang Pinoy na nagtatrabaho sa barko.

Mayroon ding manning agency na kung magbigay ng allotment sa kamag-anak ng seaman at seawoman ay kada dalawang buwan dahil ipinadadaan pa sa time deposit sa bangko ang pera para tumubo ito.

Hindi rin daw makapagreklamo ang mga marino at marina laban sa kanilang manning agency dahil kadalasan ang mga ito ay may kakilalang opisyal ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA).

Kaya kahit nakararanas sila ng pananamantala mula sa kanilang mga manning agency ay tinatanggap na lang nila dahil alam nilang walang mangyayari sa kanilang reklamo.

Hindi dapat balewalain ito ng ating mga kinauukulan dahil kawawa naman ang seafarers natin.

oOo

Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

119

Related posts

Leave a Comment