Isang sumbong ang ipinarating sa akin sa pamamagitan ng ating Ako OFW Inc. Facebook Page at ni Ako OFW Welfare volunteer na si Aisha Consuelo ukol sa hinaing ni OFW Evelyn Lumeran na kasalukuyang nasa Riyadh, Saudi Arabia.
Ayon kay OFW Evelyn, siya ay nakarating sa Riyadh, Saudi Arabia sa pamamagitan ng kanyang ahensya na Ram Asia International Manpower noong Pebrero 18, 2019. Diumano, pagdating n’ya sa kanyang employer na si Mouhdi Abdul Asiz, ay muli siyang pilit na pinapirma ng panibagong kontrata na kung saan ay nakasaad na ang kanyang magiging buwanang sweldo ay ibababa sa halagang 1,000 Riyals, taliwas sa kontrata na kanyang pinirmahan sa kanyang ahensya na dapat ay 1,500 Riyals.
Agad niya itong ipinaalam sa kanyang ahensya, ngunit wala naman itong ginawang aksyon. Kung kaya sinubok n’ya na lamang pakiusapan ang kanyang employer na ibigay na ang kakulangang sweldo na 500 Riyals, ngunit nagalit lamang ang asawa ng kanyang employer. Bukod sa pagsigaw sa kanya ng mga masasakit na pananalita ay sinaktan pa ito at tinakot na ipadadampot sa pulisya.
Matapos ang pananakit sa kanya ay ikinulong s’ya ng kanyang amo sa loob ng CR. Hindi rin s’ya binigyan ng pagkain at tuluyan nang pinahirapan at tinanggalan ng kanyang cellphone.
Labis-labis ang pakiusap ni Evelyn na s’ya ay mailigtas sa kanyang employer dahil talagang siya ay hinang-hina na at halos namimilipit na s’ya dahil sa sakit ng tiyan na maaaring sanhi ng ilang araw na hindi pinapakain ng kanyang amo.
Ako ay labis na nakikiusap at umaasa na mabilis na matutulungan ng ating OWWA Welfare Officer sa Riyadh na si Manny L. Mercado III ang ating kabayani upang makuha s’ya agad sa kanyang em-ployer. Gayundin, ang Ako OFW ay nanawagan sa Ram Asia International Manpower na siguruhin ang kaligtasan ni Evelyn at makipag-ugnayan agad sa kanilang Foreign Recruitment Agency na AROUND THE WORLD. (Ako OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)
164