BBM TAGILID SA PAGKABIYAK NG UNITEAM

(BERNARD TAGUINOD)

HINDI pa man nakaka-isang taon sa pwesto si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., biyak na ang kanilang Uniteam ni Vice President Sara Duterte kaya hindi malayong manganib ang kanyang administrasyon.

Ganito ang basa ni ACT party-list Rep. France Castro matapos tuluyang masira ang Uniteam nang patalsikin bilang pangalawang pinakamataas na lider ng Kamara si Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo.

Sa press conference ng Makabayan bloc, sinabi ni Castro na may dahilan kung bakit tinanggal si Arroyo at hindi lamang ito prerogatibo ng liderato ng Kamara.

“Ang tinitingnan natin ano ang nangyari behind (ng prerogative),” ani Castro subalit isa sa mga lumutang na isyu ay ang tangkang pagkudeta kay House Speaker Martin Romualdez, bagay na itinanggi ng dating pangulo.

Ito aniya marahil ang dahilan kaya lahat ng partido pulitikal ay naglabas ng statement of support, hindi lamang kay Romualdez kundi kay Marcos.

“Tingin natin hindi gagalaw si GMA mag-isa,” ani Castro.

“So dapat mag-ingat si Marcos sa ganito. Hindi niya dapat tanggalin ang kanyang guard dito sa mga Duterte especially now na ginawa ni Marcos si Vice President Duterte as co-chair ng NFT-ELCAC (National Task Force-End Local Communist Armed Conflict),” ani Castro.

Idinugtong pa nito na “..alam natin kung saan ang loyalty ng militar sa ngayon…sa mga Duterte pa rin. Eto ay strategic position na dapat makita ng Marcos administration. At dito nga, tinitingnan natin na meron na bang nangyayaring power grab?”

Sinabi naman ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, hindi lamang ngayon nagsimula ang hidwaan ng grupong Marcos at Duterte kundi sa usapin pa lamang ng war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Brosas, naglabas ng statement of support si Arroyo sa dating pangulo at ipinagtanggol nito ang war on drugs taliwas sa sinasabi aniya ni Marcos na nagkaroon ng pang-aabuso.

133

Related posts

Leave a Comment