PARA TUMAGAL ANG ATING BUHAY, IGALANG NATIN SINA INAY AT ITAY

At Your Service Ni Ka Francis

NARITO ang nakatala sa aklat ng buhay o Bibliya, “Kung ibig mong magkamit ng buhay na walang hanggan, sundin mo ang mga utos… Igalang mo ang iyong ama at ina at ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” (Matthew 19:17, 19).

Sa talatang ito, kapansin-pansin na hindi lang mga magulang natin ang dapat igalang kundi maging ang ating kapwa tao gaya ng paggalang natin sa ating sarili.

Kung hindi natin pinagsasalitaan ang ating sarili ng masama, hindi rin dapat natin ito ginagawa sa ating kapwa.

Kung hindi rin natin sinasaktan ang ating sarili, hindi rin dapat sinasaktan ang ating kapwa at lalo na ang ating mga magulang.

Malinaw pa sa sikat ng araw na nakatala sa Bibliya kung paano natin itatrato ang ating mga magulang at kapwa.

Ngayon sa kabila na may kautusan sa Bibliya na mahalin at igalang natin ang ating mga magulang at kapwa, ay binalewala pa rin natin ito. Kaya kaakibat nito ang kapahamakan sa ating buhay.

“Sapagkat iniutos ng Diyos, ‘Igalang mo ang iyong ama at ang ina, ‘at, ‘Sinumang lumapastangan sa kanyang ama o ina ay dapat na mamatay” (Matthew 15:4,).

Mabigat ang nakatala sa pahinang ito na, ‘Sinumang lumapastangan sa kanyang ama o ina ay dapat mamatay.’

Tinutukoy po rito, ang mga anak na walang respeto sa kanilang mga magulang tulad ng pagsasabing ‘hindi responsabilidad ng mga anak ang kanilang mga magulang’.

Hindi bastang babala ang nakatala sa pahinang ito ng Bibliya patungkol sa paglapastangan sa mga magulang.

Hindi dapat pinag-uusapan dito kung responsibilidad ba ng mga anak ang kanilang mga magulang.

Kung tayo ay may paniniwala sa mga nakatala sa libro ng buhay o Bibliya ay hindi tayo dapat nagsasabi na hindi responsibilidad ng mga anak ang kanilang mga magulang.

Kung tayo ay naniniwala na may Diyos na nasa langit, hindi dapat tayo nagbibitiw ng masasamang salita laban sa ating mga magulang.

Anomang tagumpay na ating naabot sa buhay kung malayo naman ang loob natin sa ating mga magulang, ay hindi tayo magiging masaya at darating ang araw, ang mga materyal na bagay na ‘yan ay mawawala, subalit ang pagmamahal sa atin ng ating mga magulang at ni lord ay hindi mawawala magpakailanman.

Sabi ko nga kung ako ang tatanungin, ayaw kong mawala o mamatay ang aking mga magulang.

Iba ang kasiyahan nating mga anak kapag nasa tabi pa rin natin ang mga magulang na ating nagiging gabay.

Nagpapatunay lamang niyan na sa panahon ngayon ay binabalewala na ng mga tao ang mga nakasulat sa banal na libro (Bibliya).

Base sa aking pagkakaalam, binubuo ng dalawang klaseng kautusan ang nakatala sa Bibliya, ‘pagmamahal kay lord at pagmamahal sa tao.’

Kung mahal natin si lord, natural mamahalin din natin ang ating kapwa lalo na ang ating mga magulang.

‘Pag minahal kasi natin si lord na hindi natin nakikita, siyempre mamahalin din natin ang tao na laging nating nakakasama sa mundong ibabaw.

Ang buhay ng tao ay umiikot lang, ngayon ay anak tayo bukas magiging magulang din tayo.

Ang ayaw natin ang ginagawa sa atin, ‘wag din nating gawin sa iba.

Dapat ang mangibabaw sa ating mga puso ay ang pagmamahalan sa isa’t isa upang lalo pa tayong pagpapalain ni lord.

Noong araw man o ngayong panahon ay hindi dapat magbago ang ating pagmamahal sa ating mga magulang, kapwa at lalo na kay lord.

32

Related posts

Leave a Comment