BISTADOR ni RUDY SIM
NOONG nakaraang Biyernes ay humarap sa isinagawang pagdinig ng Bureau of Immigration, Board of Special Inquiry (BI-BSI) ang kapatid ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na si Shiela Leal Guo o Zhang Mier, kaugnay sa kontrobersyal na kung ano ba talaga ang tunay na katauhan ng mga Guo sa kabila ng lumabas na mga dokumentong nagsasabing pineke ang kanilang Filipino citizenship.
Marami ang nakatutok sa mala-teleseryeng kaabang-abang kung ano ang mangyayari sa isinasagawang pagdinig ng iba’t ibang sangay ng gobyerno, kung seryoso ba ang mga ito na panagutin sa batas ang Guo family o may pansariling interes ang ating mga opisyal ng gobyerno dahil sa nakalululang kayamanan ng mga akusado.
Nauna nang nakisawsaw sa isyu ang ating mga senador at Kongreso na sa una animo’y mga makabayan ang mga hinayupak ngunit sa kabilang banda ay walang alam ang ating mga kababayan, na gamit ang kapangyarihan ng ating mga inihalal na mambabatas, ay naging legal na sa kanila ang madalas natin tawaging “areglo” na upang manahimik ay may kapalit na milyones na nasa paper bag na pasikretong iniaabot ng kampo umano ng mga Guo? Gaano kaya ito katotoo?
Dahil kaya nalalapit na ang 2025 election kaya panay pakitang gilas kuno ng ating mga mambabatas at kailangan nila ng campaign funds? Kung ang mga ordinaryong mamamayan ay walang kaalaman sa ganitong estilo nang pasimpleng extortion sa mga Guo, minsan naiisip din natin na naging biktima ang mga Guo ng maruming kalakaran sa gobyerno. Kung walang pera ang mga Guo ay pag-aaksayahan kaya sila ng panahon ng ating public officials? Alam na this!!
Sa pagdinig na isinagawa ng BI sa pangunguna ni BSI Chief Gilbert Repizo, ay nagkaroon tayo ng pagkakataon na siya ay tanungin kaugnay sa naging pagdinig ng Quad Committee kung saan ay ginisa ang retired BSI Chief na si Atty. Ronald Ledesma, na sa kanyang panahon ay maraming nakalusot na nabigyan ng Filipino citizenship, na kahit 50 years old na ay nakapag-file pa ng late registration ang mga Chinese na pinaniniwalaang fake Filipinos. Sinabi ni Repizo na kanilang hihintayin ang resulta na imbestigasyon kung mayroon nga bang dapat managot sa BI kung bakit nakalusot ang higit isang libong pekeng Pilipino.
Bakit sa mainit na isyu lamang ng fake Filipinos nakatutok ang BI? Bakit hindi kalkalin kung sino ang mga opisyales ng BI na kumikita hanggang sa ngayon sa Visa Upon Arrival?
Samantala, very evident daw ang mga sipsip, liglig na nasa Office of the Commissioner na iniwan ni Kume Tan5. Hindi pa man daw umaabot sa isang buwan na napalitan ang kanilang amo ay para na raw mga hunyango na nagpalit agad ng anyo ang ilan sa mga tauhan nito sa pagbabaka-sakali na ampunin sila ng bagong komisyoner. Siyempre pahuhuli ba rito ang 2 OCOM muchachas na sina Jenjen Bansosita at Donya Bolitas na nagpasasa nang husto sa termino ng kanilang amo. Imagine, agad na nakapagpagawa ng mansion sa kanilang poor-binsya si Bolitas kasama pa ang 2 condo riyan sa Maynila. Samantalang si Bansosita naman ay ipinagmamalaki ang kanyang bagong SUV na hindi kayang ipundar ng isang ordinaryong empleyado. Eh si Boy Bagyo kaya na animo’y anino ni Tan5? Nabawasan na kaya ang hangin nito sa katawan?
Komisyoner Viado, baka naman madaan ka sa paawa epek ng mga ito? Mahirap i-retain sa iyong opisina ang tatlong ito at baka ‘yan pa ang maging dahilan ng iyong pagkaligwak sa pwesto gaya ng nangyari sa kanilang amo! Ang mabuti ay ipa-lifestyle check mo ang mga ito at silipin ang kanilang SALN kung nagbago.
Btw, marami ang nakapansin sa biglang pagbagsak ng hitsura ni Atty. Caloy Capulong sa nakaraang Quad Comm. Gayundin si dating BI BSI Chief RPL na dating girl, este boy next door type. Tanda ba ito ng stress na kanilang kinakaharap sa Quad Comm? Hindi mo talaga masabi ang panahon. ‘Yung biglang nananahimik ka, sabay bigla kang kakaladkarin sa isyu na akala ng lahat ay nalimot na ng panahon!
Ay Inang!
(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
72