AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS
BASE sa aking karanasan, mas marami akong nakitang mas mabilis ang pag-unlad ng mga nagnenegosyo kung ikukumpara sa mga nangangamuhan o empleyado ng kumpanya o opisina, maging pribado man o gobyerno.
Ang ordinaryong empleyado sa National Capital Region (NCR) ay sumasahod ng P610 minimum wage kada araw na may kabuuang P18,300 sa isang buwan. Lumalabas na sa loob ng isang taon ay mayroong siyang kabuuang sweldong P219,000 at iba pang benepisyo.
Sa minimum wage na P610 ng isang empleyado ngayon, sa taas ng presyo ng mga bilihin ay imposibleng umunlad siya sa kanyang buhay, maliban na lang kung siya ay pinagpala. Pero meron nga ba?
Kung may pitong (7) miyembro ang kanyang pamilya, mag-asawa at limang anak. Pinakamatipid ng budget sa loob ng isang araw sa pagkain ng may pitong miyembro ng pamilya ay P500. Sa loob ng isang buwan ay nagkakahalaga na ito ng P15,000 na mababawas sa buwanan niyang suweldong P18,300 kung kaya’t ang matitira na lamang ay P3,300. Maliban pa sa ibang gastusin. Paano na ang medical na usapin, upa ng tinitirahan, pag-aaral ng mga anak ng isang empleyado?
Kaya hindi nakapagtataka na pagdating ng sweldo ay dumadaan lang sa palad ang isang buwang pinagtrabahuan.
Sa sandaling nagkaroon pa ng emergency ang isa sa mga miyembro ng kanyang pamilya tulad ng pagkakasakit o naaksidente, ay lalo silang nalulubog sa utang.
Kahit anong gawin din niyang kasipagan sa kanyang pinaglilingkurang kumpanya o opisina ay mananatiling minimum na P610 ang kanyang sweldo hangga’t walang inaaprubahan ang Department of Labor and Employment (DOLE) na increase of salary.
Maliban na lamang kung maawa ang kanyang amo at mabigyan ito ng extra bonus.
Samantala sa mga nagnenegosyo, lalo kung patok at marami ang tumatangkilik sa iyong pinasok na business, sa loob lamang ng isang taon ay makikita mo na ang resulta na pag-angat nito.
Malaki man o maliit ang iyong naging puhunan sa negosyo, basta’t patok at marunong kang magdala sa inyong mga kustomer ay aangat ito sa loob ng isang taon lalo na ‘pag may kasamang kawang-gawa sa kapwa tao at panalangin sa Panginoon.
Hindi mo rin kontrolado ang iyong kikitain sa pagnenegosyo hanggang sa magkaroon ka na ng branches nito.
Ayon sa atin nakapanayam na isang may-ari ng kainan na dinarayo at patok ngayon sa Brgy. Punturin, Valenzuela City, bagama’t isang linggo pa lamang silang nag-o-operate ay dinadagsa na ito ng kanilang mga parukyano dahil bukod sa masarap na ay mura pa.
Naging adhikain at konsepto ng may-ari, sa halagang P79 ay may dalawang pirasong pritong manok, unli java rice na, unli sauce pa para makakain ng masarap, mabusog at makatipid ang mga manggagawa sa murang halaga, kaya agad itong pumatok.
Nagbibigay rin siya ng 50% discount para sa mga nakatutulong sa kanilang negosyo, kaya naman patuloy ang pagdagsa ng kanilang mga parukyano.
Kaakibat ng pag-unlad ng negosyo ay disiplina sa sarili, kaalaman sa pinasok na negosyo, konsentrasyon, pagtitiyaga at pakikisama sa mga kustomer at mga nakapalibot sa ‘yo. Syempre hindi dapat mawala ang pananalangin at pagpupuri sa Panginoon.
Ganoon din sa pagiging isang empleyado, kailangan din natin na magkaroon ng disiplina, konsentrasyon na may pagmamahal sa trabaho, pagtitiyaga, pakikisama at loyalty sa kompanya na pinaglilinkuran.
Lumalabas na mas mabilis umunlad ang mga nagnenegosyo kung ikukumpara sa nangangamuhan o empleyado.
Kaya hindi nakapagtataka na karamihan sa mayayaman sa Pilipinas ngayon ay pawang mga negosyante.
Bagama’t nagsipag-aral din sila pero hindi sila habambuhay naging empleyado, mas binigyan nila ng pagkakataon na magkaroon ng sariling mga negosyo. Alam kasi nila na mas aangat sila sa pagnenegosyo kung ikukumpara sa pagiging isang empleyado.
153