NAGPAPASALAMAT ang inyong lingkod sa ating mga kasamahan sa propesyon at grupo nila na nagbigay ng suporta kaugnay sa aking pagnanais na magkaroon ng komprehensibong legal aid program sa lahat ng law schools upang matulungan ang mahihirap na mamamayan na may problemang legal.
Naisipang iakda ng inyong mambabatas na ang House Bill (HB) 2993 o Legal Aid Program Act of 2019 sapagkat nais ko pong magkaroon ng “Legal Aid Clinic” sa lahat ng law schools, hindi lamang sa private schools kundi lalo na sa State Universities and Colleges (SUCs).
Ito ay dahil dumarami ang nangangailangan ng legal na tulong at may kakulangan sa mga abogado kung kaya’t layon ng bill na tulungan ang PAO (Public Attorney’s Office) at hiling na ang Kongreso ay maglaan ng pondo sa mga paaralan ng abogasya o law schools upang mapondohan ‘yung legal aid clinics.
Salamat sa mga kapwa ko abogado at sa iba’t ibang legal group ng Integrated Bar of the Philippines sa pangunguna ni IBP National President Domingo “Egon” Cayosa at PAO Chief Persida Acosta dahil sa positibo nilang pagtanggap at kasama rin dito sa pasalamat ang Department of Justice.
Pasalamat din ang nais na ipaabot ng Forward Now author sa mga kasamang sumuporta na sina Atty. Emerson Aquende ng Legal Education Board (LEB), Atty. Edgardo Carlo Vistan ng University of the Philippines (UP) at iba pang grupo.
Ninais ng mambabatas na ito na maiayos ang Legal Aid System sa bansa dahil sa pagnanais na matutulungan ang mahihirap at matutulungan din ang law students para lalo pang mahasa ang mga ito sa propesyon na kanilang patutunguhan.
Ikinatuwa ko po ng lubos ang aking inaning suporta sa panukalang ito subalit hindi ko ito dapat ikagulat sapagkat panahon na para maalalayan ang mandato ng Saligang Batas na tulungan ang marginalized na mga taong nangangailangan ng abogado dahil napakamahal ngayon ang kumuha ng serbisyo publiko.
Isa pang ikinakatwiran ng inyong lingkod kung kaya’t kailangan talaga ang legal Aid Program Act ay hindi laging available ang mga manananggol ng PAO at kulang sa serbisyo na ibinibigay kaya’t sakaling makaisa natin ang mga estudyante ng law schools, malaki ang maitutulong nila sa mamamayan.
Malaki rin ang ipagpapasalamat ng mambabatas na ito sapagkat walang legal aid clinics lalo na sa SUCs dahil sa kakulangan ng pondo kaya gagamitin umano ng Kongreso ang kanyang ‘power of the purse’ para mapondohan ang pagkakaroon ng legal aid clinics sa law schools.
Ang totoo, tanging papel ng mga law student ay mag-research at gumawa ng mga dokumento na kailangan sa korte at ang magiging litigants ay ang mga practicing lawyer na nagsisilbing supervisors ng mga ito. Pero malaki ang magiging bentahe nito sa mga estudyante ng abogasya dahil magiging practicing field nila sakali ang inakdang batas na ito.
187