PASENSYA AT PAGTITIPID KAILANGAN TALAGA NGAYONG TAG-INIT

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

SA kasagsagan ng kasalukuyan nating nararanasang matinding init dahil sa panahon, sunud-sunod pa rin ang ibang suliranin na patuloy na kinahaharap ng napakaraming Pilipino.

Sa kabila nang pagsuspinde ng klase ng ating mga mag-aaral dahil sa mapanganib na heat index sa iba’t ibang bahagi ng bansa, tila hindi naman nabawasan ang napakatinding trapik sa Metro Manila.

Damang-dama ko ito noong nakaraang linggo dahil ang tipikal na byahe, halos nag-doble ang tagal. Kung nagmamaneho ka, ang dami mo na sanang nagawa kung wala ka sa likod ng manibela. Kung nakasakay ka naman sa taxi, sigurado doble rin ang babayaran mo sa byahe mo. Kung sa jeep naman, ang itinagal ng byahe na ‘yan, siguradong pawis na pawis ka na dahil mainit na nga ang panahon, sobrang tagal pa ng byahe.

Bukod sa trapik, tatamaan na naman ang mga komyuter ng panibagong pagsubok dahil mayroon na namang nakakasang tigil-pasada ngayong linggo na aabot ng tatlong araw.

Kakatapos lamang ng tigil-pasada nitong Abril 15 hanggang 16. Kahit pa sinabi ng pamahalaan na hindi naman masyadong nakaapekto, meron at meron pa ring nahirapang bumiyahe at pumasok sa trabaho dahil dito.

Simula ngayong araw hanggang Miyerkoles, pangungunahan ng Piston kasama ng labor groups, ang pagprotesta laban sa Public Utility Vehicle (PUV) modernization program, partikular ang deadlina na para sa franchise consolidation na nakatakda bukas, Abril 30.

Iginigiit ng Piston na maraming driver at operator ang mawawalan ng kabuhayan kaya hindi talaga sila titigil hanggang pagbigyan sila ng pamahalaan.

Ayon naman sa labor group na Kilusang Mayo Uno, kasama sila ng mga jeepney driver at operator sa labang ito na magdudulot ng pagtaas ng pamasahe para sa mga ordinaryong komyuter.

Ilang taon nang usapin ito, pero tila hindi pa rin maresolba hanggang tuluyan na ngang maipatupad ang programa.

Samantala, ang agarang epekto ay perwisyo pa rin sa mga Pilipino, at hindi lang ito ang problemang kinakaharap ngayon.

Hindi pa rin nawawala ang banta na magkaroon ng problema sa suplay ng kuryente at tubig na tatama sa ating mga konsyumer.

Mayroong pagsisigurong ginagawa ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, pero halimbawa na lamang sa industriya ng enerhiya, halos hindi na tumigil ang pagdedeklara ng mga Yellow at Red alert sa Luzon at Visayas, at kamakailan nagkaroon na rin sa Mindanao.

Kapag ganitong posibleng magkaroon ng pagkaantala sa serbisyo, kagaya ng sa tubig, ang tanging magagawa nating lahat ay magtipid.

Ito yata ang magiging tema ng ating pagkonsumo hanggang matapos ang tag-init. Bagama’t kailangan naman natin talagang isabuhay ito para na rin siyempre mabantayan natin ang ating mga bayarin, malaking pagsubok talaga dahil kapag ganitong panahon, tila mas kailangan nating maligo at gumamit ng mga cooling appliance para maging komportable.

Kaya gaya ng ng naririnig natin palagi sa iba, ‘di na baleng magbayad ng mahal, basta hindi naman maoospital.

Hindi pa man nagsisimula ang Mayo kung kailan tipikal na umaabot sa pinakamainit na temperatura at pinakamataas na demand sa kuryente, kailangan na nating magkontrol.

Lilipas din ito, alam naman natin ‘yan at wala naman talagang kayang pumigil sa El Niño pero ang tanong, talaga bang napaghandaan natin ito?

O kinapos ba talaga ang mga hakbang na ginawa ng pamahalaan para masigurong mababantayan ang magiging epekto nito sa ating lahat?

Maraming opinyon tungkol diyan, at bago pa tayo maging mapanuri, gawin natin sa ating sariling paraan, na subukan pa rin nating habaan pa ang ating pasensya, pang-unawa at makinig para malaman natin kung ano ba ang mga pwede nating gawin hindi lamang para makaraos kundi para makatulong rin sa iba.

88

Related posts

Leave a Comment