PATULOY NA PAGHAHANDA SA EPEKTO NG EL NIÑO

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

NAITALA kamakailan ng Metro Manila ang pinakamababang temperatura na 20.1°C, at mas mababa pa ito sa ibang bahagi ng bansa kagaya ng Baguio na dinarayo talaga ng mga gustong makaranas ng malamig na klima.

Dahil na rin sa malamig na panahon na bunsod ng amihan, hindi masyadong pansin ang nararanasang El Niño na nagsimula bandang Hulyo pa noong nakaraang taon. Ayon sa mga eksperto, maaaring tumagal pa ito hanggang buwan ng Mayo.

Bagama’t nag e-enjoy pa sa ngayon, kailangan pa ring maging handa ang lahat sa posibleng maging epekto ng tagtuyot, partikular sa suplay ng pagkain, tubig, at kuryente.

Noong Disyembre, nagkaroon ng pagbabago sa El Niño Task Force ng bansa para mas mapaigting pa ang isinasagawang mga hakbang para maiwasan at mas masolusyunan kaagad ang problemang dulot nito.

Nito nga lang nakaraang linggo, nagpahayag ang lokal na pamahalaan ng San Miguel, Bulacan na nararamdaman na ng mga magsasaka ang epekto ng El Niño at inaasahang babagsak ang produksyon ng palay dahil sa limitadong tubig para sa irigasyon.

Malaki ang banta sa agrikultura ng El Niño kaya naman hindi maiiwasang mangamba kung kukulangin ng suplay at tatamaan ang kabuhayan ng mga kababayan nating umaasa sa sektor na ito.

Pero siniguro naman ng Department of Agriculture na may nakalaang pondo para sa solar irrigation projects na makatutulong kahit papaano sa mga magsasakang Pilipino.

Talagang kailangan din nating bantayan ang suplay ng tubig dahil lahat tayo ay gumagamit nito at mararamdaman natin talaga kung magkakaroon ng restriksyon dito.

Nagpatawag na rin ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng konsultasyon kasama ang stakeholders ng water industry para tukuyin ang mga kailangang gawin upang maiwasan ang kakapusan sa suplay ng tubig.

Isa ito sa mga prayoridad ng DILG kaya hiniling ng ahensya ang tuloy-tuloy na komunikasyon at koordinasyon sa stakeholders para agaran ding maipatupad ang mga programang kinakailangan para matugunan ang posibleng mga problema.

Para naman sa Department of Energy (DOE), noon pa mang nakaraang taon ay nagsimula na itong manawagan para sa patuloy na matalino at masinop na paggamit ng kuryente.

Dahil kasi sa mas mainit na panahong nararanasan kapag may El Niño, inaasahang sisipa rin ang demand sa kuryente kaya maaaring makaapekto ito hindi lamang sa bayarin kundi pati sa suplay ng kuryente.

Bagama’t kampante ang ahensya na hindi naman kukulangin ang suplay, nanawagan pa rin ito na makiisa ang lahat at magtipid para maiwasan ang problema.

Bilang pinakamalaking distribyutor ng kuryente sa bansa, nakikiisa rin ang Meralco sa panawagang ito ng DOE at patuloy ang pagbibigay ng kumpanya ng madaling sundan na tips para makapagtipid sa kuryente.

Bukod pa rito, patuloy rin ang koordinasyon ng kumpanya sa lahat ng energy stakeholders para masiguro ang sapat at tuloy-tuloy na serbisyo ng kuryente. Isa ang Interruptible Load Program (ILP) sa paghahanda ng kumpanya, kung saan humihingi ng tulong ang kumpanya sa malalaking customers nito kagaya ng shopping malls, na gamitin ang kanilang generator sets kung sakaling may kakulangan sa suplay.

Naglunsad rin kamakailan ang Meralco ng bidding para sa karagdagang 660 megawatts na suplay na makatutulong para matugunan ang inaasahang pagsipa ng demand sa paparating na mga buwan.

Sa ngayon, hindi pa masyadong laganap ang epekto ng El Niño pero maaari natin itong gamitin para maging mas handa pa at makiisa sa mga programang ginagawa ng pamahalaan at ng pribadong sektor para maitawid nating lahat ang mga pagsubok na hatid ng weather phenomenon na ito.

638

Related posts

Leave a Comment