PBBM NABAHALA KAYA DUMALO SA PNP COMMAND CONFERENCE?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

HINDI raw maituturing na loyalty check ang pagdalo ni Pangulong Bongbong Marcos sa PNP Command Conference kamakailan sa Camp Crame, Quezon City. Ganun?

Sinabi ni Philippine National Police chief, Gen. Benjamin Acorda Jr., hindi maituturing na loyalty check ang pagbisita ng kanilang Commander-In-Chief sa PNP National Headquarters noong nakaraang Huwebes.

Ayon pa kanya, bumisita lang daw ang Pangulo para pangunahan ang kanilang regular Command Conference.

Sinabi rin ni Acorda na walang dahilan para magsagawa ng loyalty checks sa hanay ng PNP dahil nananatili itong isang professional organization at tapat sa kanilang sinumpaang tungkulin.

Sa katunayan, natuwa pa nga raw si PBBM sa iba’t ibang accomplishments ng pulisya.

Ayon sa ating natanggap na impormasyon, marahil ang dahilan ng pagdalo ni PBBM sa command conference ng matataas na mga opisyal ng pulisya ay ang binitiwang salita dati ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na kapag hindi tinigilan ng gobyerno ang pagsusulong ng People’s Initiative (PI) ay mapipilitan silang ihiwalay ang Mindanao sa Republika ng Pilipinas (RP).

Mahirap nga naman ‘yun, baka mamaya, paggising ni PBBM ay hindi na kasama sa RP ang Mindanao, ‘di ba?

Mayaman ang lupain sa Mindanao kaya marami mula sa Norte at Visayas ang nag-migrate doon.

Kasama na riyan si dating Pangulong Duterte na ang ama ay nagmula sa Leyte at Cebu.

Tahasang itinuro ni Duterte kamakailan na ang nasa likod ng pagsusulong ng PI ay sina House Speaker Martin Romualdez at First Lady Liza Araneta-Marcos at binabayaran ‘diumano ng mga ito ang pumipirma rito.

Ayon pa sa kanya, binababoy umano ng administrasyon ang Saligang Batas ng Pilipinas sa kanilang isinasagawang PI dahil hindi naiintindihan ng mga tao ang kanilang pinipirmahan.

Kaya hindi sila makapapayag na magpatuloy ito, kaya gagawin nila ang paghihiwalay ng Mindanao sa RP.

Dahil sa patuloy na bangayan ng kampo nina Digong at Speaker Romualdez ay maraming naniniwala na ito na ang simula ng paghihiwalay ng mga Duterte at Marcos.

Bagama’t nagbabangayan sina Digong at Romualdez, tila wala pa namang lumalabas na hidwaan sa pagitan nina Vice President Inday Sara at Pangulong Bongbong Marcos na dating magkakampi sa ilalim ng UniTeam.

Wala pang lumalabas na hindi pagkakaunawaan sa pagitan nina VP Sara at PBBM ngunit tuluyan namang nawasak ang kanilang UniTeam dahil sa hindi pagkakaunawaan ng mga kasapi nito pagkatapos ng 2022 presidential election.

Maging ang Partido Federal ng Pilipinas (PFP) na ginamit na partido ni PBBM noong 2022 presidential election ay tuluyan na ring nawasak.

Pulitikang Pinoy nga naman, walang permanenteng kakampi, onli in da Pilipins!

oOo

Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell: 0977-751-1840.

60

Related posts

Leave a Comment