MARAMING CONGRESSMAN GUSTONG MAGING SENADOR

DPA ni BERNARD TAGUINOD

AMININ man o hindi, maraming congressman ang gustong maging senador pero hindi sila makaporma dahil ang labanan sa Senado ay dapat sikat ka dahil ang mga botante ay tumitingin sa mga sikat at hindi sa kakayahan ng kandidato.

Sabi ng lolo ko kapag bumoboto sila noon, ang batayan nila ng pagpili ng kandidato ay dapat edukado, hindi pawardi-wardi lang dahil ang nakataya sa kanilang desisyon ay ang kapakanan nila at ng bayan.

Sa paglipas ng panahon, nawala na ang batayan na ‘yan dahil ang pinipili at iniluluklok ng mga tao sa Senado ay dapat sikat, kahit walang kakayahan, kaya huwag na kayong magtaka kung may mga grupong gustong buwagin na lamang ang Senado.

Pero malabong mabuwag ang Senado hangga’t hindi naaamyendahan ang Saligang Batas at palitan ang bicameral system ng unicameral system at ang gagawa ng batas ay isang kapulungan na lamang.

Kaya may mga congressman noon hanggang ngayon ang nagtangkang gumawa ng pangalan dahil nagbabakasakaling magkaroon sila ng name recall, maisama ang kanilang pangalan sa survey na siyang batayan nila kung kilala na ba sila ng mga tao o hindi.

Hindi na ako magbabanggit ng pangalan, maraming congressman, hindi lang mga district congressman, kundi maging ang mga party-list congressman ay sumubok na itatak ang kanilang pangalan sa isip ng mga botante.

Kumuha sila ng mga PR man para gumawa ng kanilang press releases, sinasakyan ang lahat ng mga isyu at madalas silang guest sa broadcast media dahil sa paniniwala nila na kapag nasa radio at telebisyon sila palagi, hagip ang lahat ng mga tao, hindi lang sa Metro Manila kundi gayundin sa mga probinsya.

Kapag naramdaman nila hindi pa rin sila sumisikat kahit halos araw-araw silang iniinterbyu sa broadcast media at laging lumalabas ang kanilang istorya sa malalaking diyaryo, aabandonahin na lang nila ang kanilang ambisyong maging senador at mananahimik na lang nang tuluyan. Wala kasi silang pag-asa.

Kaya nga may mga panukala sa Mababang Kapulungan noon na nais nilang dagdagan ang bilang ng mga senador at imbes na national ang sistema ng pagboto sa kanila, ay gagawin na lamang itong regional. Tatlong senador bawat region.

Mas madali kasi sa politiko na manalo sa Senado kung regional ang pagboto sa kanila kaysa sa national dahil mas sikat sila sa kanilang rehiyon at hindi sa buong bansa kaya may pagkagulang din eh, ‘di ba?

Aminin man o hindi ng mga congressman, mas mataas ang tingin ng mga tao sa mga senador kumpara sa kanila at hindi mo ‘yun basta-basta mabubura at hindi rin nila gustong matawag na “mababa” ang kapulungan nila habang “mataas” na kapulungan naman ang Senado. Gusto nilang pantay ang pagtingin sa kanila.

Sasabihin nila: national naman ang bumoboto sa party-list congressmen ah? Oo pero 300,000 lang ang kailangang boto para manalo samantalang ang mga senador ay dapat hindi bababa sa 15 million votes para makaupo. Saka ang mga senador ay mas mahaba ang termino kaysa mga congressman. Anim na taon ang termino ng mga senador samantalang tatlong taon lang ang mga congressman.

39

Related posts

Leave a Comment