PEATC HEAD ESTEBAN IPINAGTANGGOL NG PRA CHIEF

TARGET NI KA REX CAYANONG

SA harap ng mga alegasyon at kasong isinampa laban kay Dioscoro Esteban Jr., officer-in-charge ng Public Estates Authority Tollway Corporation (PEATC), mariing ipinagtanggol ito ng Philippine Reclamation Authority (PRA) chairman na si Alexander T. Lopez.

Naniniwala si Lopez na ang mga hakbang ni Esteban ay para sa kapakanan ng sambayanang Pilipino, lalo na sa usapin ng pamamahala at operasyon ng Cavitex.

Ang pangunahing isyu na kinahaharap ni Esteban ay ang kanyang paghahain ng Petition for Mandamus sa Korte Suprema upang mabawi ng PEATC ang pamamahala at operasyon ng Cavitex.

Ang petisyong ito ay batay sa paniniwala ni Esteban na nag-expire na ang Operations and Maintenance Agreement at Voting Trust Agreement noong Agosto 2021, kaya’t nararapat lamang na ang PEATC ang mamahala rito.

Sa kabila ng mabubuting layunin ni Esteban, naharap siya sa mga reklamong isinampa ng Cavitex Infrastructure Corporation (CIC).

Kabilang sa mga paratang ay ang umano’y maling representasyon ng PEATC, pag-terminate ng serbisyo ng Office of the Government Corporate Counsel (OGCC) pabor sa mga pribadong abogado, at pag-oorganisa ng press tour upang sirain ang imahe ng CIC.

Mariin itong pinabulaanan ni PEATC spokesperson Ariel Inton, na nagsabing ang hakbang ni Esteban ay alinsunod lamang sa direktiba ng COA.

Dagdag pa rito, ang pag-empleyo ng mga pribadong abogado ay bahagi ng pagbuo ng legal department ng PEATC, at hindi personal na interes ni Esteban.

Bagaman suportado ng PRA chairman ang mga hakbang ni Esteban, ipinahayag din ni Lopez ang kahalagahan ng isang patas at malalim na imbestigasyon.

Plano nilang ipaubaya sa OGCC o sa Office of the Solicitor General (OSG) ang pagsusuri sa mga isyung iniharap ng CIC upang masiguro na walang kinikilingan sa proseso.

Kaya sa gitna ng mga alegasyon at imbestigasyon, mahalagang tandaan ang pangunahing layunin ng mga hakbang ni Esteban – ang masigurong ang mga operasyon at kita mula sa Cavitex ay direktang mapakikinabangan ng gobyerno at ng mamamayang Pilipino.

Kung mapatutunayang tama ang mga hakbang ni Esteban, ito ay magiging isang mahalagang hakbang tungo sa pagpapanagot sa mga kontratang hindi na akma sa kasalukuyang interes ng bayan.

Sa palagay ko nga, ang laban ni Esteban ay hindi lamang personal na laban, kundi isang masalimuot na pagtatanggol sa interes ng publiko.

Ang kanyang mga hakbang ay isang paalala sa atin ng kahalagahan ng transparency, accountability, at ng patuloy na pagbabantay sa mga operasyong may malaking epekto sa kabuhayan at interes ng bawat Pilipino.

Nawa’y magpatuloy ang imbestigasyon nang walang kinikilingan, at ang katarungan ay maghari sa huli.

69

Related posts

Leave a Comment