PILIPINAS HANDA NA BA SA PAPARATING NA LA NIÑA?

RAPIDO ni PATRICK TULFO

ILANG buwan ding nakaranas ng matinding tag-init, hindi lang ang Pilipinas, kundi maging ang ibang mga bansa sa mundo.

Pero ayon sa PAGASA, patapos na ang nararanasan nating tag-init at may ilang mga lugar na sa bansa ang makararanas ng mga pag-ulan.

Ngayon ngang patapos na ang El Niño ay papalit naman ang La Niña o ang labis naman na pag-ulan. Epekto pa rin ito ng natapos na El Niño.

Handa ba ang Pilipinas ngayong papalapit na ang La Niña?

Dapat ngayon pa lamang na hindi pa tuluyang natatapos ang El Niño, ay samantalahin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ng Metro Manila Development Authority (MMDA), ang pagsasaayos ng mga kanal at iba pang mga daluyan ng tubig hangga’t wala pang ulan.

Dapat ay magkaroon na ng plano ang mga ito partikular na sa mga lugar na kilalang bahain.

Kabilang na ang mga kabahayang nasa tabi o malapit sa mga ilog at iba pang daluyan ng tubig.

Hindi sapat na maglaan lamang ng mga evacuation center para sa maaaring apektado ng malalaking mga pagbaha, dapat ay may nakahanda nang “contingency measures” ang DPWH, MMDA at lokal na pamahalaan upang matulungan ang mga residente.

Ang katulad na mga pangyayari noong panahon ng Yolanda at Ondoy ay maaari pa ring maulit pero dapat ay natuto na tayo upang mas marami ang masagip at maiwasan ang napakaraming masasawi.

 

57

Related posts

Leave a Comment