PINAPAHIRAPAN NG MONOPOLYO NG MERALCO ANG MAMAMAYAN

KAKAMPI MO ANG BAYAN TEDDY

NOONG nakaraang Biyernes ay nagsagawa ng piket protesta ang Bayan Muna kasama si Atty. Neri Colmenares sa tanggapan ng Meralco. Ito ay dahil sa nakaamba na namang taas-singil sa kuryente.

Sa pagtingin ng Bayan Muna, hindi makatarungan ang panibagong taas-singil ng Meralco, na may record na ng panlalansi upang mas makasingil ng mas mataas sa mga konsumer.

Idiniin ng Bayan Muna ang kasong inihain nito noong 2013 sa Korte Suprema, nang magpataw ng P4.15 kada kwh na dagdag-singil ang Meralco. Dahil sa kasong ito, hanggang ngayon ay naka-Temporary Restraining Order (TRO) pa rin ang dagdag singil na ito.

Kung ating maaalala, nais itaas ng Meralco ang kanilang singil dahil umano sa nangyaring Malampaya shutdown. Ang sabi nila, ang kuryente na kanilang ginagamit ay binili sa halagang P62.00/kwh. Pero katunayan, may nakakontrata naman ito sa halagang P9.00/kwh lamang. Hindi bat tuso?

Ngunit, hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa dinidesisyunan ang kasong ito. Kung panigan tayo ng Korte Suprema, mapatutunayan na inaabuso ng Meralco ang kanilang dominanteng posisyon sa merkado sa pagmanipula ng presyo para magkaroon ng sobra-sobrang kita. Lalo tayong may dahilan upang manawagan ng mas mababang singil sa kuryente!

Alam nating lahat kung gaano kahirap magbayad ng kuryente dahil sa napakataas nitong halaga. Buwan-buwan, parang holdap ang ginagawa sa atin ng Meralco. Dahil kailangan natin ng kuryente, napipilitan tayong magbayad ng kanilang napakataas na singil.

Bagamat ipinangako ng Meralco na magkakaroon ng refund sa sobra-sobra nitong siningil, kailangan na isapubliko ng Meralco kung magkano na ang kanilang ibinalik sa mga konsumer.

Pero ang pinakamagandang gawin ay ang tuluyang pagbuwag na sa monopolyo ng Meralco sa kuryente. Habang hawak ng Meralco ang public utility na ito ay nasa awa lamang ng kumpanya ang taumbayan. Nationa-lize the power industry! ang aming panawagan sa Bayan Muna. (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)

113

Related posts

Leave a Comment