SA halip na magbangayan at magsiraan tayong mga Pinoy ay suportahan natin ang ating mga pambatong atleta para sa SEA Games na idinaraos ngayon sa bansa.
Hindi makatutulong ang mga negatibong komento na inilalabas sa social media.
Makade-demoralize ito sa ating mga atleta.
Kung totoo man na palpak ang organizer ng okasyong ito ay sampahan ng kaukulang kaso nang mapanagutan niya ang kanyang ginawang pagkakamali.
Gawin ito pagkatapos ng okasyon.
Hindi na tayo magtataka na hanggang ngayon ay may ginagawa pa na ilang area na pagdarausan ng ilang laro ng SEA Games dahil namihasa ang mga Pinoy na laging naghahabol sa oras.
Kaya nga lang, mapupulaan tayo ng mga bansa na kasama sa palakasang ito.
Magiging negatibo ang pananaw nila sa lahi ni Juan Dela Cruz.
Maganda ang imahe natin kapag nasa ibang bansa tayo nagtatrabaho pero ‘pag nasa ‘Pinas ay hindi tayo sumusunod sa batas, mas gusto nating maging pasaway.
Kaya sa halip na pasulong ang ‘Pinas ay nagiging paurong ito.
Kaya ‘wag tayo magtaka kung bakit binu-bully tayo ng bansang China.
Wala tayong kaibahan sa walis tingting kung magkakahiwalay sila sa isa’t isa ay hindi sila makakawalis ng dumi.
Sana kahit anumang partido natin, kung makabubuti naman sa taumbayan ang proyekto ng kasalukuyang administrasyon ay suportahan natin.
Kontrahin natin kung alam natin na may bahid ito ng korapsyon.
Lahat po tayo ay may karapatan magtanong sa mga proyekto ng gobyerno dahil kasama tayo sa pag-iipon ng pondo sa pamamagitan ng pagbabayad natin ng buwis.
Balik po tayo sa paghahabol para matapos na ang ilang venue ng palaro.
Ayun tuloy, may nalaglag sa scaffolding na trabahante sa pagmamadaling matapos ang kanilang ginagawa.
Sinabi ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na halos wala nang pahinga ang mga manggagawa sa SEA Games.
Ayon pa sa kanila, overwork ang mga manggagawa kung kaya’t labag ito sa basic workers’ rights and health standard.
Over-fatigue raw ang inabot ni Richard de los Santos kaya siya nalaglag sa scaffolding noong Lunes.
Kayo na ang magtrabaho ng 24 oras sa renobasyon ng Rizal Memorial Complex, Manila kung ‘di kayo ma-low batt.
Sa complex na ito gagawin ang unang football ng SEA Games kaya naman minamadali na matapos.
Hindi sana mangyayari ‘yan kung ‘di kayo naghahabol.
Kawawa tuloy si De los Santos, nagtamo ng fracture sa kanyang ulo at nagdudugo pa ang loob nito.
Sana gumaling siya agad, kawawa naman ang kanyang pamilya.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahooo.com//operarioj45@gmail.com (Puna / JOEL O. AMONGO)
149