PINOY MAY PALABRA DE HONOR PA BA?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

NANANATILI pa rin ba sa mga Pilipino ang tinatawag na palabra de honor?

Ang Pinoy na may palabra de honor ay may isang salita, at para masabing may palabra de honor ka, kailangang kung ano ang sinabi mo ay panindigan at sundin mo ito.

Tulad na lang halimbawa nag-usap kayo ng iyong kaibigan na magkikita kayo kinabukasan tapos hindi mo sinunod ang inyong napag-usapan at wala ka man pasabi kung tutuloy ka o hindi, lumalabas na wala kang palabra de honor. Lumalabas din na hindi mo kayang panindigan ang iyong sinasabi.

Bukod sa wala kang palabra de honor ay sinungaling ka pa dahil hindi mo tinupad ang inyong napagkasunduan na magkikita kayo ng iyong kausap.

Karamihan sa walang palabra de honor ay ang mga politiko, bakit kamo?

Magaling kasi sila mangako habang tumatakbo pa lang sila, pero pagkatapos ng eleksyon at nanalo na sila, karamihan ng kanilang ipinangako ay hindi nila natutupad.

Magaling din sila magkunwaring mabait, pero ‘pag nakaupo na sila ay hindi na nila tayo kilala.

Subukan n’yong puntahan si congressman, mayor, gobernador at iba pang politiko sa kanyang opisina, kung haharap sila sa inyo nang walang pag-aalinlangan.

Sa kanilang staff pa lamang ay tatanungin na kayo kung may appointment ba kayo sa kanilang boss.

Kung wala, wala ka ring makikita o makakausap na congressman, mayor at gobernador.

Muli na namang magbabago ang kanilang mga ugali ‘pag nalalapit na naman ang eleksyon.

Hindi lingid sa ating kaalaman na mga Pilipino, kung anong klaseng ugali mayroon ang ating ibinobotong mga politiko.

Sa ganang akin, kaya sila nagkaganyan dahil sa atin ding mga botante.

Subukan natin ‘wag tumanggap ng pera na nanggagaling sa mga kandidato tuwing eleksyon.

Iboto natin ang matinong tao na bagama’t walang pera ay nakahanda namang magserbisyo sa ating lahat.

Naniniwala ako na magbabago ang Pilipinas na mula sa paurong ay magiging pasulong na tayo, kung babaguhin natin ang pagpili ng mga kandidato.

oOo

Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com.

133

Related posts

Leave a Comment